Home NATIONWIDE MWO staff sa Bahrain pinauwi sa Pinas sa bastos na asal sa...

MWO staff sa Bahrain pinauwi sa Pinas sa bastos na asal sa OFWs

190
0

MANILA, Philippines — Ipinag-utos ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac ang pagpapabalik sa Pilipinas ng isang staff ng Migrant Workers Office (MWO) sa Bahrain matapos kumalat ang viral video na nagpapakita ng umano’y bastos na pagtrato nito sa overseas Filipino workers (OFWs).

“I have issued the order recalling that MWO Bahrain employee being highly disrespectful to OFWs in a viral video,” ayon kay Cacdac sa isang social media post nitong Lunes.

Sa kumalat na video, narinig ang staff na pinapaalis ang mga OFW na nagtungo upang humingi ng cash aid, at sinabing tapos na ang pamimigay ng ayuda at wala nang pondo.

Narinig din ang mga OFW na nagrereklamo dahil nagmula pa sila sa malalayong lugar para sa ayuda at sana umano ay nagbigay muna ng abiso ang MWO na tapos na ang pamamahagi.

Sinabi rin ng empleyado sa mga OFW na maaari silang magsumbong kahit kanino.

“Tapos na po ha, hindi na kayo mae-entertain. Tapos na po ang ayuda. Magsumbong na kayo sa mga gusto ninyong pagsumbungan. Ang Manila ho ang nagsasabi walang pondo. Sige i-record n’yo, kahit magsumbong pa kayo sa Pilipinas,” ayon sa staff sa video.

Samantala, nilinaw ni DMW Undersecretary Dominique Rubia-Tutay ang ibinibigay na financial assistance sa mga OFW matapos magreklamo ang ilan na 20 Bahraini dollars (PHP3148.41) lamang ang kanilang natanggap.

Ayon sa kanya, ang tulong na USD20 hanggang USD50 ay para sa agarang pangangailangan tulad ng pagkain, damit, at gamot.

“200 dollars is given to OFWs who are about to leave the airport na (who are) homebound. Financial assistance is given upon arrival in Manila, which OFWs can use for their personal needs,” aniya.

“For instance, yung isang OFW na kausap ko, wala sya kapera-pera dala kasi di pa naka sweldo ng umuwi sya, nanghiram lang sya ng PHP2,000 sa kasamahan nya dahil wala maibigay sa pamilya, kaya masaya sya na meron siyang financial assistance pag dating sa Manila,” dagdag niya.

Bukod sa financial assistance pagdating sa Maynila, maaaring makatanggap ng iba pang tulong ang mga apektadong OFW mula sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan tulad ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Health (DOH), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), at Department of Labor and Employment (DOLE).

“I assure our dear OFWs that we shall continue to serve with humility, respect, and hard work,” ayon kay Cacdac. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here