Home NATIONWIDE Seguridad sa NAIA hihigpitan sa Holy Week break

Seguridad sa NAIA hihigpitan sa Holy Week break

182
0

MANILA, Philippines — Magpapatupad ng mas mahigpit na security screening ang Office for Transportation Security (OTS) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero ngayong Holy Week.

“We will also implement stricter coordination with airport authorities and law enforcement agencies, as well as continuous monitoring of security operations,” ayon kay OTS Administrator Gilberto Cruz sa panayam ng Philippine News Agency nitong Lunes.

Ayon kay Cruz, pagaganahin ang OTS Transportation Operations Center nang 24/7 upang matiyak ang agarang pagtugon sa anumang insidente, bagaman aminado siyang hindi pa ito ganap na kumpleto ang kagamitan para sa tuloy-tuloy na operasyon.

Bilang paghahanda sa inaasahang dami ng biyahero, kinansela rin ang vacation leave ng mga security screening officers na nakatalaga sa mga kritikal na lugar. Sa kasalukuyan, may 1,089 screening officers na naka-deploy sa lahat ng terminal ng NAIA.

Maglalagay din ng mga auditor sa mga airport gateway upang tiyakin na naipatutupad ang pambansa at internasyonal na security standards.

Pinaalalahanan ni Cruz ang mga pasahero na dumating nang mas maaga sa paliparan at makipagtulungan sa mga security personnel upang mapabilis ang proseso ng security screening.

Pinayuhan din ang mga biyahero na sila mismo ang mag-empake ng kanilang mga bag at huwag tumanggap ng bagahe mula sa ibang tao.

“If they know the owner, make sure they check the bag first to ensure it does not contain any prohibited item,” ani Cruz.

Kung may mapansing kahina-hinalang tao o iniwang bagahe, hinihikayat ang mga pasahero na ipagbigay-alam ito sa airport police o tumawag sa OTS hotline na 0960-461-6877. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here