Home NATIONWIDE 5 panukala lusot sa Senado, kabilang pagkalos sa Optical Media Board

5 panukala lusot sa Senado, kabilang pagkalos sa Optical Media Board

186
0

MANILA Philippines — Inaprubahan ng Senado nitong Lunes ang limang panukalang batas, kabilang ang isang panukala na naglalayong buwagin ang Optical Media Board (OMB) at ilipat ang mga kapangyarihan at tungkulin nito sa Intellectual Property Office of the Philippines (IPOPHL).

Ang Senate Bill No. 1654 ay nakakuha ng 20 boto pabor at walang tumutol o nag-abstain. Layunin nitong buwagin ang OMB na nilikha sa ilalim ng Republic Act No. 9239 at ilipat ang regulatory at enforcement functions nito sa IPOPHL.

Ayon kay Senator Robinhood Padilla, sponsor ng panukala, kailangang iayon ng pamahalaan ang mga institusyon nito sa pagbabago ng teknolohiya.

“Sa paglipas ng panahon, nagbago na ang teknolohiya at paraan ng pagkonsumo ng pelikula, musika at iba pang nilalaman mula sa disc-based media tungo sa digital at streaming platforms,” ani Padilla.

“Dahil dito, makatwiran lamang na iayon natin ang ating mga institusyon sa kasalukuyang panahon.”

Nakasaad din sa panukala na mapoprotektahan ang kapakanan ng mga empleyado ng OMB at ililipat sila sa IPOPHL.

“Tinitiyak din ng panukala na mapapangalagaan ang kapakanan ng mga kawani ng Optical Media Board… sila po ay maililipat sa IPOPHL,” dagdag ni Padilla.

Inaprubahan din ng Senado ang Senate Bill No. 1744 o ang Fair Debt Collection Practices Act na naglalayong i-regulate ang pangongolekta ng utang at protektahan ang mga borrower laban sa harassment at mapang-abusong gawain.

Ayon kay Senator Sherwin Gatchalian, layunin ng panukala na ipagtanggol ang karapatan ng mga ordinaryong Pilipino.

“Sa pagsuporta natin sa panukalang ito, ipinagtatanggol natin ang karapatan ng ordinaryong mamamayan laban sa mapang-abusong pangongolekta ng utang,” aniya.

“Kinikilala natin na ang utang ay isang obligasyon na dapat tuparin at bayaran ngunit ang iginiit natin dito ay hindi ang pagbabawal sa pangongolekta kundi ang tama at makataong paraan.”

“By installing clearer and specific protections against abusive debt collection practices, this measure helps fulfill our constitutional mandate to protect human dignity,” dagdag niya.

Inaprubahan din ng mga senador ang Senate Bill No. 1822 na nag-iinstitutionalize ng national plan of action upang matiyak ang koordinadong mga programa at serbisyo para sa mga may autism spectrum disorder (ASD).

Ayon kay Senator Joel Villanueva, layunin ng panukala na mapabuti ang access sa diagnosis, treatment, at support services para sa mga indibidwal na may ASD.

“It is precisely because of these hardships that we see the profound and meaningful impact that this measure can bring to individuals with ASD and to the countless families who continue to hope for a more inclusive and compassionate society,” ani Villanueva.

Inaprubahan din ng Senado ang Senate Bill No. 1899 na nagbibigay ng flexibility sa Department of Education sa pagpili ng pedagogical approaches sa pagpapatupad ng basic education curriculum sa ilalim ng Enhanced Basic Education Act of 2013, at Senate Bill No. 1743 na nag-aamyenda sa National Athletes and Coaches Benefits and Incentives Act upang i-update ang mga benepisyo at insentibo para sa mga atletang Pilipino at kanilang coaches na nananalo sa international competitions. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here