Home NATIONWIDE 2 Pinoy arestado sa pag-rescue sa Chinese nationals na iniuugnay sa Mindoro...

2 Pinoy arestado sa pag-rescue sa Chinese nationals na iniuugnay sa Mindoro shabu haul

182
0

MANILA, Philippines – Inaresto ng mga awtoridad ang dalawang Pinoy na umano’y nagtangkang sagipin ang dalawang Chinese national na may kaugnayan sa speedboat na nagbiyahe ng sako-sako ng hinihinalang illegal na droga na nadiskubre sa baybayin ng Barangay Harrison sa Paluan, Occidental Mindoro.

Ayon kay Col. Michael Aquino, spokesperson ng 2nd Infantry Division ng Philippine Army, napansin ng tropa ang speedboat na paikot-ikot sa lugar bago pa ang pagkakaaresto sa dalawang Chinese national.

Ani Aquino, nilapitan ng mga sundalo na naka-gwardya sa lugar ang kahina-hinalang sasakyang pandagat.

Ang dalawang Pinoy na napaulat na galing sa Nasugbu, Batangas, ay umamin na ipinadala sila ng isang indibidwal mula sa Batangas na pinaniniwalaang may-ari ng speedboat.

Hindi na binanggit ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng taong nag-utos ng rescue attempt sa dalawang Pinoy.

Itinurn-over na ang mga suspek sa awtoridad para sa tamang imbestigasyon at legal na proseso.

Samantala, narekober ang karagdagang pack ng hinihinalang illegal na droga sa nagpapatuloy na operasyon sa lugar nitong Miyerkules.

Ayon kay Aquino, nadiskubre ng tropa ang nasa 30 pang pack ng hinihinalang shabu malapit sa coastal area na tumitimbang ng tig-isang kilo.

Inaalam pa kung paano napadpad sa lugar ang mga karagdagang pack.

Matatandaan na sa ulat ng Philippine Drug Enforcement Agency ay nasa 860 kilo ang nasamsam na illegal na droga at nagkakahalaga ng P5.8 bilyon. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here