MANILA, Philippines — Nag-alok ang pamahalaang panlalawigan ng Bohol ng P50,000 pabuya sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon kaugnay ng umano’y insidente ng pangingidnap sa Tagbilaran City.
Iniimbestigahan ng pulisya ang insidenteng nakuhanan ng video malapit sa Dao Integrated Bus Terminal sa Barangay Dao nitong Miyerkules ng hapon, Marso 11.
Sa kumakalat na video sa social media, makikitang pilit na hinila ang isang lalaki mula sa kanyang motorsiklo at isinakay sa isang puting sasakyan bago mabilis na umalis sa lugar habang may ilang saksi sa paligid.
Ayon sa Tagbilaran City Police Station, walang agarang ulat na naiparating sa pulisya tungkol sa insidente at nalaman lamang ito ng mga awtoridad matapos kumalat ang video online.
Sinabi ni Police Lieutenant Colonel John Kareen Escober, hepe ng pulisya sa lungsod, na hanggang ngayon ay wala pang miyembro ng pamilya ng umano’y biktima ang nagsasampa ng pormal na reklamo.
Nagulat din umano ang pulisya dahil bagama’t may mga taong naroroon nang mangyari ang insidente bandang alas-3 ng hapon, wala umanong agad na tumawag sa awtoridad upang humingi ng tulong.
Sa kabila nito, sinabi ng pulisya na seryoso nilang iniimbestigahan ang insidente upang matukoy kung ano talaga ang nangyari.
Nakuha na rin ng mga imbestigador ang plaka ng sasakyang nakita sa video at kasalukuyang bineberipika ang mga detalye nito bilang bahagi ng imbestigasyon.
Tinutukoy na rin ng mga awtoridad ang nag-upload ng video upang makakuha pa ng karagdagang impormasyon.
Samantala, inanunsyo ni Bohol Gov. Erico Aristotle Aumentado ang P50,000 pabuya para sa sinumang makapagbibigay ng mapagkakatiwalaang impormasyon na magtuturo sa pagkakakilanlan at pagkakaaresto ng mga sangkot sa insidente.
Hinimok ng pulisya ang publiko na ipagbigay-alam sa awtoridad ang anumang impormasyon kaugnay ng kaso at tiniyak na mananatiling kumpidensiyal ang pagkakakilanlan ng mga informant. RNT/JGC