MANILA, Philippines – BINUWELTAHAN ng Malakanyang ang mga pasaring at pambabatikos ni Vice-President Sara Duterte sa ginawa at ginagawang paghahanda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa nagpapatuloy na tensyon sa Gitnang Silangan.
Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na tila may sariling bolang kristal si VP Sara sa mga naging pahayag nito.
Sa ulat, sinabi ni VP Sara na kulang ang ginawang paghahanda ng administrasyong Marcos sa posibleng epekto ng nagpapatuloy na tensyon sa Middle East.
Sa isang ambush interview sa Davao City, sinabi ng bise presidente na matagal nang may babala tungkol sa posibilidad ng digmaan ngunit wala umanong malinaw na paghahandang ginawa ang pamahalaan.
Nauna rito, “Wala tayong nakikita na ginagawa ng administrasyon. Ang banta ng gyera narinig na natin iyan noong taong 2022 pa lang,” sabi ng bise presidente.
“Dapat tinanong ninyo muna ang Bise Presidente. 2022, anong buwan? Baka naman panahon pa noong kaniyang ama ito. Tandaan po natin noong 2022 nangangampanya po sila pareho ni Pangulong Marcos Jr., UniTeam sila. May nabanggit po ba siya sa Pangulo patungkol dito? May nabanggit po ba siya sa DND patungkol po dito? Dahil kung alam niya na po ito, malamang ay mayroon siyang sariling bolang kristal, ay dapat ipinaalam niya kung ito ay verified info, nanggaling sa kaniya – dapat ipinaalam niya ito agad sa bansa, ipinaalam niya ito agad sa Pangulo at sa awtoridad,” ang litaniyang tugon naman ni Castro.
“So, kung siya’y may alam as early as 2022 at hindi man lang niya ito binanggit diretso sa ating mga kababayan, sino ang hindi nagtrabaho? Sino ang walang ginawa? Tandaan po natin, ipinagmamalaki niya mayroon siyang impormasyon patungkol dito, hindi po ba obligasyon niya bilang Bise Presidente na ito ay ipaalam sa ating awtoridad para man lang ang ating mga kababayan katulad ng sinasabi niya ay nakapaghanda. Kung hindi niya ‘to sinabi, definitely this is a breach of public trust. Mayroon po tayong tinatawag na nonfeasance, mga taong-gobyernong hindi nagtatrabaho,” aniya pa rin.
Sa kabilang dako, sinabi pa ni VP Sara na may mga observers at maging ilang foreign government na umano’y matagal nang nagbabala tungkol sa posibleng conflict sa taong 2025.
Giit ng bise presidente, dapat ay naghanda na ang pamahalaan noon pa man.
Sinabi rin ni Duterte na hanggang ngayon ay wala pa umano siyang nakikitang konkretong solusyon mula sa administrasyon para tugunan ang mga problemang maaaring idulot ng krisis. KRIS JOSE