MANILA, Philippines – OUT na si Christina Garcia Frasco bilang Kalihim ng Department of Tourism.
Ito’y matapos na italaga siya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., bilang Presidential Adviser for Sustainable and Resilient Communities.
Bunsod ng marami sa lugar sa bansa ang nahaharap sa tumataas na ‘climate-related hazards at disruptions’ na nakakaapekto sa lokal na ekonomiya at kabuhayan, inatasan ni Pangulong Marcos si Frasco na gampanan ang papel na ito para makatulong na mapalakas ang implementasyon at panatilihin ang follow-through ng mga priority national initiatives sa community level.
“Secretary Frasco will transition from her role as Secretary of Tourism, where she led efforts to support tourism enterprises and livelihoods and to deepen partnerships with local governments nationwide,” ayon kay Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.
Ang Department of Tourism ayon kay Castro ay pansamantalang pamumunuan ni DoT Undersecretary Verna Buensuceso bilang officer in charge (OIC).
Samantala, nagpaabot naman ng pasasalamat si Pangulong Marcos sa naging serbisyo ni Frasco sa Department of Tourism at nagpahayag ng kumpiyansa na ang karanasan ng dating Kaihim na makatrabaho ang lokal na pamahalaan at mga komunidad ay patuloy na susuporta sa mga prayoridad ng administrasyon.
Matatandaang humaharap sa batikos si Sec. Frasco matapos ang tila madalas na paglabas ng kaniyang imahe sa “tourism materials” ng ahensya. Inakusahan ang Kalihim na di umano’y ginamit ang government-funded tourism programs para sa umano’y “self-promotion.”
Napaulat na pinuna ni Senator Raffy Tulfo si Frasco sa umano’y pagpapakita ng sarili sa halip na mga destinasyon sa ilang promotional materials ng turismo. KRIS JOSE