MANILA, Philippines — Patuloy ang paghahanap ng pulisya sa isang 21-anyos na estudyante mula Bohol na nawawala matapos huling makitang sumakay sa motorsiklo sa labas ng isang unibersidad sa Cebu City noong Marso 3.
Kinilala ang nawawalang estudyante na si Jannah Balag Sarabosing, na huling nakita bandang 1:00 ng hapon malapit sa likurang bahagi ng University of Southern Philippines Foundation (USPF) sa Barangay Lahug.
Ayon kay Police Major Eric Gingoyon, hepe ng Mabolo Police Station, nagsasagawa na ng CCTV backtracking ang mga imbestigador upang matukoy ang dinaanan ng motorsiklo at kung saan posibleng nagtungo ang estudyante.
Sa kuha ng CCTV, makikitang lumabas si Sarabosing sa campus at sumakay sa isang motorsiklo na pinaniniwalaang habal-habal.
Gayunman, hindi malinaw ang plate number ng motorsiklo sa video.
Patuloy na sinusuri ng mga awtoridad ang iba pang CCTV camera sa mga kalapit na lugar upang makahanap ng karagdagang anggulo na maaaring makatulong sa pagtukoy sa motorsiklo at sa driver nito.
Ayon sa pulisya, may ilang lugar na may limitadong camera coverage o blind spots, kaya nagiging hamon ito sa kanilang backtracking operation.
Nakipagtulungan na rin ang Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Cebu City Police Office upang mapabilis ang imbestigasyon.
Partikular na tinutukoy ngayon ng mga imbestigador ang driver ng motorsiklo upang malaman kung saan ibinaba ang estudyante matapos itong umalis sa campus.
Iniulat ng pulisya na personal na nagtungo sa Mabolo Police Station ang ina ng estudyante na si Divina Balag Sarabosing, 52, residente ng Barangay Juagdan, Ubay, Bohol, upang ireport ang pagkawala ng kanyang anak bandang 10:00 ng gabi noong Marso 9.
Humingi umano siya ng tulong sa pulisya matapos na hindi na makontak ang kanyang anak sa cellphone.
Nalaman din ng mga imbestigador na umano’y binlock ni Sarabosing ang ilang contacts, kabilang ang kanyang nobyo sa Maynila, kaya nahirapan ang pamilya at mga awtoridad na makipag-ugnayan sa kanya.
Nakapanayam na rin ng pulisya ang mga kasama niya sa dormitoryo, na nagsabing tahimik at reserved ang personalidad ng nawawalang estudyante.
Hanggang ngayon, nagpapatuloy ang operasyon ng pulisya upang matukoy ang motorsiklong nakita sa CCTV at ang driver nito na maaaring magbigay-linaw sa kinaroroonan ni Sarabosing. RNT/JGC