Home NATIONWIDE Work setup, gastos aayusin ng Kamara para makatipid sa epekto ng Middle...

Work setup, gastos aayusin ng Kamara para makatipid sa epekto ng Middle East tension

166
0

MANILA, Philippines — Magpapatupad ng binagong work arrangement at mga hakbang sa pagtitipid ang House of Representatives upang mabawasan ang gastusin sa gitna ng tumitinding tensyon sa Middle East na nagdulot ng pagtaas ng presyo ng langis.

Sa liham ni House Secretary General Cheloy Garafil sa lahat ng tanggapan ng Kamara, ipinatupad ang modified work setup alinsunod sa Memorandum Circular No. 114 ng Office of the President na naglalayong bawasan ang mga hindi kinakailangang gastusin.

Sa ilalim ng bagong kaayusan, kapag recess ang Kongreso, papasok sa opisina ang mga empleyado tuwing Martes at Miyerkules, habang work-from-home (WFH) naman tuwing Lunes at Huwebes.

Kapag may session, kinakailangang pumasok ang mga kawani mula Lunes hanggang Miyerkules, habang WFH naman tuwing Huwebes.

Ayon sa memorandum, kailangang tiyakin ng lahat ng opisina ang tuloy-tuloy na serbisyo sa publiko sa pamamagitan ng paglalagay ng kanilang contact details sa website at social media platforms ng Kamara lalo na sa mga araw na naka-WFH.

Inaatasan din ang ilang tanggapan na magpanatili ng skeletal workforce sa mga araw na naka-work-from-home.

Kasama sa mga hakbang sa pagtitipid ang paghihigpit sa official travel, kung saan pinapayagan lamang ang mga biyahe para sa mahahalagang gawain.

Sinuspinde rin ang mga study tours, benchmarking visits at team-building activities upang mabawasan ang gastusin.

Inatasan din ang mga tanggapan na maging cost-efficient sa mga meeting, partikular sa pagkain, at iwasan ang kanselasyon upang hindi masayang ang resources.

Samantala, nilimitahan din ang paggamit ng air-conditioning units mula 8 a.m. hanggang 6 p.m. lamang, maliban sa mahahalagang lugar tulad ng session hall sa mga araw ng sesyon.

Itinakda rin sa 24 degrees Celsius ang temperatura ng aircon, habang hinihikayat ang paggamit ng natural lighting sa mga opisina.

Pinaiigting din ang pagtitipid sa kuryente sa pamamagitan ng pagpatay ng ilaw sa mga bakanteng silid, meeting rooms, restrooms at hallways, na babantayan ng mga roving security guard.

Ang mga hakbang ay isinagawa matapos magbabala ang mga economic planners na maaaring umabot sa P96 kada litro ang diesel kung magpapatuloy ang digmaan sa Middle East at mananatiling apektado ang daloy ng langis sa Strait of Hormuz.

Bukod sa langis, posibleng tumaas din ang presyo ng kuryente ng P2 hanggang P4 kada kilowatt-hour, ayon sa Energy Regulatory Commission.

Nauna nang inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapatupad ng four-day workweek sa executive branch simula Marso 9 upang makatipid sa enerhiya at fuel consumption. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here