MANILA, Philippines – Naghain si Loren Legarda ng dalawang panukalang batas sa Senado na naglalayong pababain ang presyo ng pangunahing bilihin at serbisyo, at palawakin ang VAT exemptions sa pagkain, gamot, at medikal na serbisyo.
Ayon kay Legarda, layunin ng mga batas na ito na agad magbigay-lunas sa mga mababang kita, at tiyakin na abot-kaya ang pang-araw-araw na pangangailangan at life-saving medical care.
Sa Senate Bill No. 1851 o Differentiated Value-Added Tax Rates Act, ibabalik sa 10% VAT ang mga produkto at serbisyo para sa mahihirap at middle-class, habang mananatili sa 12% VAT ang luxury goods, high-value assets, “sin” products (alkohol, tabako, vaping), environmentally hazardous items, at premium real estate.
Ani Legarda, ang dual-rate system ay nagpapababa ng gastusin para sa karamihan ng Pilipino habang pinapataw ng mas mataas na buwis ang mayayaman sa luxury at delikadong produkto.
Samantala, sa Senate Bill No. 1857 o Murang Bilihin at Serbisyong Medikal Act, layunin nitong alisin ang VAT sa mga pangunahing pagkain, household essentials, basic medical services, over-the-counter na gamot, first-aid supplies, at limitadong konsumo ng kuryente at internet para sa personal, edukasyon, at komunikasyon.
Ani Legarda, ang pagtatakda ng limitadong konsumo para sa VAT exemption ay nag-eengganyo ng responsable at matipid na paggamit ng kuryente at tubig sa mga kabahayan.
“Sa ganitong paraan, napoprotektahan natin ang purchasing power ng low- to middle-income earners nang hindi naapektuhan ang kita ng Estado mula sa non-essential at luxury goods,” sabi ni Legarda. RNT/MND