Home METRO P95.2M tobats nasamsam sa Surigao port; 1 arestado

P95.2M tobats nasamsam sa Surigao port; 1 arestado

151
0
via PNP CARAGA

SURIGAO, Philippines – Nasamsam ng mga awtoridad ang tinatayang P95.2 milyong halaga ng hinihinalang shabu at naaresto ang isang lalaki sa isinagawang anti-illegal drug operation sa Surigao City noong Sabado, Marso 14.

Ayon sa pulisya, naharang ang ilegal na droga sa Lipata Port sa lungsod sa operasyon na pinangunahan ng Philippine National Police sa rehiyong Caraga, kasama ang Philippine Drug Enforcement Agency, Philippine Ports Authority, at Philippine Coast Guard.

Kinilala lamang ang suspek sa alyas na “Tan,” na residente ng Taguig City sa Metro Manila.

Ayon kay Marcial Mariano Magistrado IV, direktor ng Police Regional Office 13, nakatanggap muna ng impormasyon ang mga awtoridad tungkol sa isang pickup vehicle na umano’y nagdadala ng ilegal na droga mula sa Cotabato at patungong Luzon.

Dahil sa tip na ito, agad na nagsagawa ng operasyon ang pinagsanib na puwersa ng pulis, anti-narcotics agents, at port security personnel upang mahanap ang sasakyan sa pantalan.

Sa isinagawang inspeksyon, natuklasan ang 14 na bloke ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na humigit-kumulang 14 kilo. Nakatago ito sa loob ng ekstrang gulong ng sasakyan at nadiskubre matapos ma-flag sa K9 sweep.

Tinatayang nagkakahalaga ng P95.2 milyon ang nasamsam na droga, ayon sa mga awtoridad.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Philippine Drug Enforcement Agency sa Caraga ang suspek habang inihahanda ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa kanya. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here