MANILA, Philippines – 340 OFWs mula Riyadh, Saudi Arabia ang nakauwi ngayong Linggo sa pamamagitan ng government-chartered flight PR8502 ng Philippine Airlines, na dumating sa Ninoy Aquino International Airport, ayon sa Overseas Workers Welfare Administration.
Ayon kay OWWA Administrator Patricia Yvonne Caunan, karamihan sa mga OFWs ay itinuturing na “distressed” dahil sa flight disruptions at tensyon sa Middle East. May 16 sa kanila ang naglakbay mula Bahrain papuntang Saudi Arabia.
“Authorities and support teams will be on standby at the airport to assist the arriving passengers,” sabi ng Presidential Communications Office. Magkakaloob rin ng tulong para makauwi ang mga repatriates sa kani-kanilang probinsya.
Ito ang ikalawang government-chartered flight simula nang magsimula ang tensyon sa Middle East noong Pebrero 28. Sa kabuuan, higit 1,000 OFWs na ang natulungan.
Inihahanda na rin ang susunod na flight para sa 400 pang OFWs na naghihintay sa susunod na linggo. Ayon kay Hans Leo Cacdac, magkakaloob ng pre- at post-repatriation assistance, kabilang ang psychosocial services at government-funded airfare. RNT/MND