WALA nang nakatitiyak kung magtatagal o hindi ang digmaan sa Middle East na nakasasama sa kalagayan ng nasa 2.8 milyong Pinoy sa lugar.
Ang tiyak sa ngayon, walang tigil ang bangis ng labanan sa pagitan ng United States at Israel laban sa Iran.
At habang bumabangis, lumalawak nang lumalawak pa ito na lalong nakasasama sa mga Pinoy.
Bagaman higit na marami ang ayaw magbakwit pabalik sa bansa, ang mga may gusto dapat mabilis na ibakwit.
Sa ngayon, lumilitaw na wala pang 1,000 ang naiuuwi sa Pinas at wala pa ring nadala sa labas ng nasabing rehiyon upang matiyak ang kanilang kaligtasan.
NAPAKAPANGANIB
Kabilang sa mga napakapanganib na pangyayari ang hindi na lang durugan sa pagitan ng US at Israel at Iran, partikular sa Israel at Iran.
Sa Iran, hindi na lang mga opisina at Batasang Pambansa ng mga opisyal ng gobyerno at Iran Revolutionary Guard Corps, kanilang mga military command at navy kundi mga eskwela, tahanan, desalinization plant para sa tubig-inumin at pasilidad ng langis ang binomba ng US at Israel.
Ganito rin ang ginagawa ng Iran sa mga base militar ng US sa Turkey, Saudi Arabia, Iraq, Kuwait, Qatar, United Arab Emirates, Bahrain at Oman at siyempre pa, sa Israel.
Nadagdag sa panganib ngayon ang pagpapaalis ng Iran sa lahat ng mga sibilyan na nagtatrabaho sa mga base militar, langisan at establisimyento sa nasabing mga bansa upang hindi sila madamay makaraang bombahin ng US ang Kharg Island na pinanggalingan ng 90% ng bentang langis ng Iran.
Nauna rito ang pagsasara ng Iran sa Strait of Hormuz na daluyan ng langis na bumubuo ng 20% ng suplay ng buong mundo palabas mula sa nasabing mga bansa papunta sa Asya at iba pang bahagi ng mundo
Upang mabuksan ang Strait of Hormuz, nangangalap o sinasabi nilang namamalimos ngayon si US President Donal Trump ng mga bansang makakasama nito para rito, kasama ang South Korea na tinanggalan na rin ng mga THAAD missile para maipasok sa digmaan laban sa iran.
Hindi pa tayo tiyak kung sasama ang mga militar ng ibang bansa sa pagsasara ng Strait of Hormuz ngunit walang palatandaan na kumikilos na mismo ang mga Arabong bansa.
Dahil sa mga pangyayaring ito napakapanganib, hindi lang buhay kundi mismong paghahanapbuhay ng mga Pinoy ang nasa panganib din.
MILYONG PINOY SA PINAS NANGANGANIB DIN
Katulad ng maliwanag na rekord sa rami ng mga nagtatrabaho sa Middle East na nasa 2.8 milyon lahat, doble kundi mang triple o quadruplet dito ang bilang ng mga apektadong Pinoy sa loob ng Pilipinas.
Nasa 12 milyon bang pamilya ang umaasa sa mga manggagawang Pinoy sa Middle East?
Hindi biro-birong ang bilang ng mga ito na dapat asikasuhin din ng gobyerno kung magpapatuloy ang digmaan sa Middle East ng kung ilan pang linggo o buwan.
Alalahanin ang mga problemang pang-edukasyon, pabahay, pangkalusugan, tubig, kuryente at pagkain ng mga mahihirapan kung wala o kulang ang mga padala na matatangap nila dahil sa digmaan.
Nasaan ang mga programa ng gobyerno para rin sa mga ito, bukod sa pagbabakwit sa mga nasa Middle East?






