MANILA, Philippines – Nag-deploy ng barko at eroplano ang Philippine Coast Guard laban sa Chinese research vessel na namataang nagsasagawa ng fishing at research activities malapit sa Hubo Reef sa West Philippine Sea.
Sinabi ng PCG sa isang pahayag na iniutos ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan na hamunin at pigilan ang iligal na marine scientific research ng Chinese research vessel na Tan Suo Yi Hao, na natagpuang nag-ooperate nang walang pahintulot sa loob ng Philippine Exclusive Economic Zone (EEZ) sa paligid ng Hubo Reef (Hardy Reef) sa West Philippine Sea.
Namataan ang barko ng China humigit-kumulang 12 nautical miles hilagang-kanluran ng South Bank at natuklasang nagsasagawa ng diving operations.
Ang Tan Suo Yi Hao ay pinapatakbo ng Institute of Deep-sea Science and Engineering ng Chinese Academy of Sciences na nakabase sa Sanya.
Nagsisilbi itong mothership para sa deep-sea manned submersibles ng China, kabilang ang Fendouzhe, at may kagamitan itong deep-sea winches, sounding systems, at sediment collection devices para sa seabed investigation.
Natunton ng PCG Islander aircraft ang Tan Suo Yi Hao na nasa humigit-kumulang limang nautical miles kanlurang-hilagang-kanluran ng Hubo Reef.
Gayundin ang China Coast Guard vessel CCG 5306 na nasa humigit-kumulang 6.8 nautical miles timog ng Hubo Reef, at isa pang China Coast Guard vessel na nasa 12.7 nautical miles timog-kanluran ng Hubo Reef.
Dalawang barko ng People’s Liberation Army Navy ang na-monitor din sa karatig na karagatan, isa na nasa humigit-kumulang 22.8 nautical miles hilagang-silangan ng Escoda Shoal at ang isa ay nasa 11.3 nautical miles timog-timog-silangan ng Katimugan Bank.
Kalaunan ay iniutos ni Admiral Gavan ang pag-deploy ng mga barko ng PCG sa lugar upang direktang hamunin ang Tan Suo Yi Hao at pigilan ang iligal nitong operasyon.
Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na walang natanggap na request for consent mula sa China para sa anumang marine scientific research na isasagawa ng Chinese vessel sa loob ng Philippine Exclusive Economic Zone.
Sa mga nakalipas na linggo, rumesponde ang PCG sa Chinese research vessel na Jia Hai Ke 7 na nag-ooperate sa hilagang-kanluran ng Itbayat, Batanes, at sa Chinese Maritime Militia Vessel 9622 at sa 22 nitong sampan na nagsasagawa ng hindi awtorisadong pangingisda sa loob ng territorial sea ng Kota Island sa Kalayaan Island Group, na itinaboy ng PCG noong Oktubre 9, 2026.
Bago nito, ang Chinese survey vessel na Haiyang Dizhi Shihao ay nagtagal sa may Bajo de Masinloc nang halos isang buwan. Jocelyn Tabangcura-Domenden