Home NATIONWIDE Maynila humakot ng 4 na DOH Awards

Maynila humakot ng 4 na DOH Awards

1
0

MANILA, Philippines – Kinilala ng Department of Health (DOH) ang mga programa at pasilidad pangkalusugan ng Manila City Government matapos humakot ng apat na parangal ang lungsod dahil sa pagpapatupad ng Expanded Newborn Screening Program.

Pinangunahan ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang pagkilala sa mga kawani ng kalusugan ng lungsod, na ginawaran ng Exemplary Local Government Unit Award ng DOH Metro Manila Center for Health Development (MMCHD).

Nakapuwesto ang Maynila sa ikalawang ranggo sa Metro Manila sa pagpapatupad ng programa, kasunod ng Valenzuela City at nangunguna sa Pasig City, batay sa pagkilalang iginawad noong Oktubre 9, 2026 sa Diamond Hotel Manila.

Tinanggap ni Manila OIC-City Health Officer Dr. Grace Padilla, kasama ang mga miyembro ng city health cluster, ang parangal sa seremonya para sa mga natatanging katuwang sa Newborn Screening Program sa National Capital Region.

Bukod sa parangal para sa buong lungsod, kinilala rin ang tatlong pasilidad pangkalusugan ng Maynila.

Ginawaran bilang Top Performing Newborn Screening Facilities ang Mayor Ramon Bagatsing Hospital at Justice Jose Abad Santos General Hospital, habang kinilala naman bilang Exemplary Newborn Screening Facility ang Dr. Mariano Icasiano Lying-In Clinic.

Ayon kay Domagoso, patunay ang mga parangal sa pagsisikap ng pamahalaang lungsod na matiyak na mabibigyan ang bawat sanggol na isinisilang sa Maynila ng pagkakataong mamuhay nang malusog.

Ipinaliwanag ng alkalde na mahalaga ang maagang pagsusuri sa mga bagong silang na sanggol upang matukoy ang posibleng congenital conditions o mga kondisyong taglay na mula sa kapanganakan, bago pa lumitaw ang mga sintomas.

Sa ilalim ng Republic Act No. 9288 o Newborn Screening Act of 2004, sinusuri ang mga sanggol sa pamamagitan ng pagkuha ng ilang patak ng dugo mula sa sakong, karaniwang sa loob ng unang 24 hanggang 48 oras matapos ipanganak. Layunin nitong matukoy nang maaga ang mahigit 28 congenital conditions upang agad na maisagawa ang kinakailangang interbensiyon at paggamot.

Binigyang-diin ni Domagoso na malaking bahagi ng tagumpay ng programa ang dedikasyon ng mga doktor, nars, komadrona at iba pang health workers na nangangalaga sa mga bagong silang.

Ayon sa alkalde, kabilang ang serbisyong pangkalusugan sa Minimum Basic Needs (MBN) program ng kanyang administrasyon, na nakatuon sa pagtugon sa mga pangunahing pangangailangan ng mga Manilenyo, lalo na ng mga higit na nangangailangan ng tulong.

Binigyang-kredito rin niya ang Manila Health Department sa pamumuno ni Padilla at ang buong city health cluster sa pagkakamit ng mga parangal.

Sa panig ng pamahalaang lungsod, layunin ng programa na matiyak na hindi mapag-iiwanan ang mga sanggol at iba pang bulnerableng sektor sa pagkakaloob ng serbisyong pangkalusugan, sa pamamagitan ng maagap na pagsusuri at pagtugon sa mga posibleng sakit. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here