MANILA, Philippines – Naitala ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration ang pinakamababang temperatura sa Metro Manila ngayong 2025–2026 northeast monsoon o Amihan season noong Linggo ng umaga.
Bandang 5:30 a.m., bumaba sa 17.1°C ang temperatura sa PAGASA Science Garden sa Quezon City, mas mababa kaysa sa dating record ngayong season na 19.2°C noong Enero 29.
Sa Ninoy Aquino International Airport naman, naitala ang 19.9°C—unang pagkakataon ngayong Amihan season na bumaba sa 20°C ang temperatura sa istasyong iyon.
Ang pinakamababang temperatura na naitala sa Metro Manila ay nananatiling 14.5°C sa Port Area, Manila noong Enero 11, 1914.
Sa ibang lugar sa bansa, lalo na sa Northern at Central Luzon, nanatili ring malamig ang panahon. Naitala ang 9.4°C sa Baguio City habang 10.5°C naman sa La Trinidad, Benguet matapos ang record na 7.5°C noong Sabado.
Ilang lugar na nakaranas din ng temperaturang mababa sa 20°C ay ang Malaybalay City (15.2°C), San Ildefonso, Bulacan (16.0°C), Echague, Isabela (16.8°C), Tanay, Rizal (16.8°C), Casiguran, Aurora (17.2°C), Basco, Batanes (17.5°C), at Abucay, Bataan (17.6°C).
Sa Panglao, Bohol bumaba sa 18.7°C ang temperatura, habang 19.6°C sa Butuan City at 19.8°C sa Juban, Sorsogon.
Ayon sa PAGASA, nagdudulot din ang Amihan ng mahina hanggang katamtamang ulan sa ilang bahagi ng Cordillera, Cagayan Valley, Aurora, Quezon, Oriental Mindoro at Bicol Region.
Naglabas din ang ahensya ng gale warning dahil sa malalakas na hangin, na maaaring magdulot ng alon na aabot sa 4.5 metro sa silangang baybayin ng Bicol, Samar Island, Dinagat Islands, at Siargao at Bucas Grande.
Bagama’t unti-unting humihina ang malamig na bugso ng Amihan, inaasahang magpapatuloy ang malamig na panahon hanggang unang bahagi ng susunod na linggo.
Pagsapit ng kalagitnaan ng linggo, inaasahang papalit na ang mas mainit at mahalumigmig na easterlies habang papalapit ang mainit at tuyong panahon sa ikalawang kalahati ng Marso. RNT/MND