BAGHDAD, Iraq – Sugatan ang limang katao matapos tamaan ng rocket attack ang Baghdad International Airport sa Baghdad noong Linggo, ayon sa mga awtoridad ng Iraq.
Ayon sa security media cell ng pamahalaan, limang rocket ang tumama sa paliparan at mga kalapit na lugar. Apat sa mga nasugatan ay empleyado ng airport at security personnel, habang isa naman ay isang engineer.
Sinabi ng mga awtoridad na may mga rocket na tumama sa airport at sa isang water desalination plant, habang ang iba ay bumagsak malapit sa isang kulungan kung saan nakakulong ang mga hinihinalang miyembro ng Islamic State (IS) at sa isang airbase ng Iraqi military na katabi ng pasilidad ng Estados Unidos.
Natagpuan din ng security forces ang launchpad na ginamit sa pag-atake sa lugar ng al-Radwaniya, sa timog-kanluran ng Baghdad.
Ayon pa sa mga source ng seguridad, tatlong drone ang pinabagsak malapit sa airport habang nagaganap ang insidente.
Ang Baghdad International Airport ay may malaking military complex na ginagamit ng hukbong sandatahan ng Iraq at iba pang security forces, pati na rin ng isang diplomatic at logistics facility ng United States.
Matatandaan na isinara ng Iraq ang airspace nito at sinuspinde ang air traffic matapos magsimula ang digmaan sa Middle East. Sa mga nakaraang araw, nagkaroon din ng sunod-sunod na drone at rocket attacks laban sa mga base ng US sa bansa.
Nagbabala rin ang justice ministry ng Iraq na ang mga pag-atake malapit sa airport ay maaaring magbanta sa seguridad ng al-Karkh central prison, kung saan libo-libong hinihinalang IS members ang nakakulong.
Nauna ring tinamaan ng drone ang embahada ng US sa Baghdad noong Sabado, habang tatlong fighters na sinasabing suportado ng Iran ang napatay sa mga strike na iniuugnay sa Estados Unidos. RNT/MND