MANILA, Philippines – Posibleng panagutin ang Commission on Appointments (CA) sa paglabag sa batas kung aamyendahan nito ang minutes ng pagdinig noong Pebrero 4 na naglalaman ng pahayag ni Sen. Rodante Marcoleta na i-“give up” ang Kalayaan Island Group, ayon kay Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” M. Lacson nitong Sabado.
Sa pahayag, sinabi ni Lacson na may probisyon sa Article 170 ng Revised Penal Code na nagpapataw ng parusa sa kasong falsification of legislative documents.
Aniya, ito ang dahilan kung bakit nagbabala siya hinggil dito sa kanyang privilege speech sa Senado noong Marso 10.
“Meron sa Revised Penal Code, Article 170, ang falsification of legislative records. Kaya dapat pag-aralang mabuti kung yan ba ay bahagi na ng legislative records ang naka-pending. Hindi pa yan naka-approve. Naka-defer ang approval ng minutes ng pagdinig na yan,” aniya sa panayam sa DZMM radio.
“Naisabi ko na ito kay Senate President Sotto kasi siya din ang chair ng CA. Mag-ingat tayo dito. Kasi baka mamaya kung makasuhan ng falsification of legislative records pati tayo madamay pa as co-conspirators kasi tayo nag-approve,” dagdag niya.
Sa ngayon, sinabi ni Lacson na ang mosyon ni Marcoleta na palitan ang bahagi ng record ng naturang pagdinig ay ini-refer na sa Committee on Rules ng CA upang suriin.
Saklaw ng Article 170 ng Revised Penal Code ang falsification of legislative documents.
Nakasaad dito na ang sinumang walang sapat na awtoridad na magbabago ng anumang panukalang batas, resolusyon o ordinansang pinagtibay, inaprubahan o nakabinbin sa alinmang kapulungan ng lehislatura o sa alinmang provincial board o municipal council ay maaaring patawan ng parusang prision correccional sa pinakamataas na antas at multang P1.2 milyon.
Binanggit din ni Lacson na naging kumplikado ang sitwasyon dahil sa isang resolusyon mula sa Sangguniang Bayan ng Kalayaan, Palawan na humihiling na alisin sa opisyal na rekord ng Kongreso ang pahayag ni Marcoleta.
“Ang mga kababayan natin sa Kalayaan municipality ang nagparating ng hinaing at pinapatanggal sa record. Nasa page 22 ng journal kasi minarkahan ko yan. Alam kong meron siyang motion, kailangan consider din namin ang sulat ng Sangguniang Bayan ng Kalayaan municipality,” aniya.
Samantala, muling nanawagan si Lacson sa mga Pilipino na mahalin ang bansa higit sa lahat, anuman ang kanilang anyo o kahit pa mayroon silang pangalawang pagkamamamayan.
Noong Biyernes, nag-post si Lacson sa X na dapat tandaan ng lahat ng Pilipino na iisa lamang ang kanilang bansa—ang Pilipinas—at dapat nila itong mahalin at ipagtanggol.
“Pilipino tayo. Mag-iba man ang ating anyo – kumulubot ang balat, mabawasan ng ngipin at malagas ng buhok – kahit tayo ay magpa-botox, magpustiso at magpeluka – Pilipinas pa rin ang ating bansa na dapat nating mahalin, itaguyod at ipangtanggol,” aniya sa X.
“Dapat mahalin natin ang ating bansa kung nagkaroon man tayo ng second citizenship tulad ng kababayan natin o meron kang interest o pakipagkaibigan sa ibang bansa at nagkaroon ng sigalot sa ating bansa dapat unahin natin alalahanin natin palagi, pinanganak tayong Pilipino at mamamatay tayong Pilipino. Dapat interest ng ating bansa ng Pilipinas ang ating pinaglalaban at tinataguyod. Hindi pwedeng mas mahal natin ang ibang bansa kesa sa ating sariling bayan,” aniya sa panayam. Ernie Reyes