BULACAN, Philippines – Arestado ang dalagang drug personality nang mahulihan ng P18,020.00 halaga ng iligal na droga sa buy-bust operation ng pulisya sa bayan ng Pulilan nitong umaga ng Marso 14.
Sa ulat ng Pulilan Municipal Police Station, kinilala ang suspek na si alyas “ Alou”, 45, dalaga, residente ng nasabing bayan.
Ayon sa ulat, nabilhan ang suspek ng iligal na droga ng poseur buyer kapalit ang markadong P500 kaya agad inaresto ng mga pulis sa lugar.
Nakumpiska sa suspek ang limang plastic sachets ng hinihinalang shabu na may timbang na 2.65 gramo na nasa halagang P18,020.00, coin purse, kabilang ang buy-bust item at marked money.
Samantala, huli rin ng mga tauhan ng San Jose Del Monte police station bandang 10:20 ng gabi ang tatlong drug suspects nang masamsaman ng apat na plastic sachets ng hinihinalang shabu na nasa halagang P68,000.00, calibre .45, bala at buy-bust money.
Sa katulad pa rin na operasyon, nadakma rin ang isa pang drug suspect nang mahulihan ng limang plastic sachet ng hinihinalang shabu na nasa halagang P13,600 ng San Rafael police bandang 6:30 ng umaga sa Brgy. Caingin.
Nahaharap ang mga naarestong suspek sa kaukulang kaso habang nasa kustodiya ng humuling istasyon. (Dick Mirasol III)