Home NATIONWIDE Malakanyang, todo-depensa sa ‘di pagsama ni PBBM sa pagsalubong sa mga nagbalik-bansang...

Malakanyang, todo-depensa sa ‘di pagsama ni PBBM sa pagsalubong sa mga nagbalik-bansang OFW

143
0

MANILA, Philippines – Ipinaliwanag ng Malakanyang kung bakit hindi sumama si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa mga opisyal ng pamahalaan sa Ninoy Aquino International Airport para salubungin ang mga filipino na nagbalik-Pilipinas matapos ma-displaced sa nagpapatuloy na labanan sa Gitnang Silangan.

Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na inatasan ni Pangulong Marcos ang mga opisyal ng Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na asikasuhin at tulungan ang mga dumating na overseas Filipino workers (OFWs).

“Nandyan po ang DMW at OWWA na siyang inutusan ng Pangulo na mag-asikaso at tumulong sa ating mga kababayan,” ani Castro.

Ang Pangulo aniya ay may ginawang ibang mahalagang responsibilidad kabilang na ang paghahanda ng karagdagang programa ng gobyerno at tulong para mapagaan ang epekto ng labanan sa Gitnang Silangan sa mga filipino at ekonomiya ng Pilipinas.

“Ayusin ang mga karagdagang programa at tulong sa ating mga kababayan para maibsan ang impact sa ating bansa ng mga nangyayari sa Middle East,” aniya pa rin.

Nauna rto, isa na namang batch ng mga Pilipino mula sa Gitnang Silangan ang dumating Maynila sa gitna ng patuloy na tensyon sa rehiyon, sakay ng Philippine Airlines flight PR8502, araw ng Sabado.

Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO)  Secretary Dave Gomez na naka-antabay ang mga awtoridad at support teams sa paliparan upang tulungan ang mga pasaherong dumating.

Bibigyan din sila ng kaukulang tulong  upang mapadali ang kanilang pagbabalik sa kani-kanilang probinsya.

Ang pagdating na ito ay ikalawang batch ng mga repatriates mula sa Gitnang Silangan sa gitna ng tensyon sa rehiyon, kasunod ng naunang pagsisikap na maiuwi ang mga Pilipino.

Ang unang flight na may sakay na mga nirepatriate mula Dubai ay dumating noong Marso 5. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here