MANILA, Philippines – Ayon sa PAGASA, tatagal ang northeast monsoon o amihan sa bansa hanggang Miyerkules, Marso 18, dagdag nito na unti-unti nang humihina ang epekto nito at maaaring mawala pagsapit ng Huwebes.
“By Thursday, we expect to gradually experience heat and humidity,” sabi ni PAGASA weather specialist Chenel Dominguez.
Ngayong Lunes, inaasahang magdadala ang amihan ng maulap na kalangitan at mahihinang pag-ulan sa mga sumusunod na lugar sa Luzon:
–Bicol Region
–Batanes
–Cagayan
–Isabela
–Nueva Vizcaya
–Apayao
–Kalinga
–Mountain Province
Metro Manila at ilang bahagi ng Luzon ay maaaring makaranas ng partly cloudy hanggang maulap na kalangitan na may isolated light rains.
Sa Visayas, Dinagat Islands, at Surigao del Norte, may partly cloudy hanggang maulap na kalangitan rin na may localized thunderstorms. Sa Mindanao, maaaring may rain showers o thunderstorms sa ilang lugar.
Dahil sa amihan, mababa ang heat index ngayong Lunes at walang lugar na aabot sa “danger level” (42°C–51°C). Ang pinakamataas na inaasahan ay 39°C sa Cotabato City, Maguindanao del Norte, kabilang sa “extreme caution” category. Sa Metro Manila, aabot sa 30°C–31°C, na nasa “caution” threshold.
Walang gale warning o bagyo sa anumang bahagi ng bansa sa kasalukuyan. RNT/MND