Pinangunahan ni Senator Bam Aquino ang pampublikong pagdinig ng komite ng Senado sa batayang edukasyon, na pinagsamang isinagawa kasama ang komite sa pananalapi, nitong Lunes, Marso 16 upang talakayin ang mga panukalang hakbang na palawakin ang saklaw ng Anti-Bullying Act of 2013 at upang tugunan ang lumalalang mga alalahanin tungkol sa bullying sa mga paaralan. CESAR MORALES
MANILA, Philippines – Tinawag ni Senador Bam Aquino ang lumalalang insidente ng bullying—online man o offline—bilang isang “krisis,” saka iginiit ang agarang pangangailangan ng mas matibay na aksyon at proteksyon sa estudyante dahil nagdudulot ito ng seryosong panganib sa kaligtasan, kapakanan, at pagkatuto.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Basic Education na kanyang pinamumunuan, sinabi ni Aquino na ang laganap na bullying ang dahilan kung bakit tinaguriang “Bullying Capital of the World” ang bansa.
“Mayroon pong krisis sa pambu-bully sa ilang mga eskuwelahan sa ating bansa,” wika ni Aquino, na binanggit ang ilang pag-aaral na nagpapakitang laganap ang bullying sa mga estudyanteng Pilipino.
Ayon sa Southeast Asia Primary Learning Metrics (SEA-PLM), sinabi niya na humigit-kumulang 50 porsiyento ng mga Grade 5 na estudyante sa Pilipinas ang nakaranas ng bullying nang hindi bababa sa isang beses kada buwan noong 2024.
Samantala, ipinapakita ng datos mula sa Programme for International Student Assessment (PISA) na isa sa bawat tatlong estudyanteng Pilipino ang nagsabing nakaranas sila ng bullying sa paaralan, kung saan tinatayang 43 porsiyento ng mga babae at 53 porsiyento ng mga lalaki ang nag-ulat ng paulit-ulit na insidente sa loob ng isang buwan.
“Ang bullying po na ito ay hindi lang pisikal, o panlalait na harap-harapan. Kasama rin po ang pambu-bully online o sa social media. Hindi na natatapos ang pambu-bully sa loob ng paaralan at ang pakiramdam po ng maraming kabataan, parang walang matatakbuhan,” wika niya.
Sinabi ni Aquino na ang kanyang pag-aalala ay nagmumula hindi lamang sa kanyang tungkulin bilang mambabatas kundi pati bilang isang ama na nais matiyak na ang kanyang mga anak ay lalaki sa isang ligtas na kapaligiran para sa pagkatuto.
“Nang ipanganak ang aking panganay, ipinangako ko sa kanya na poprotektahan ko siya at gagawin ang lahat upang magkaroon siya ng mga magagandang pagkakataon sa kanyang buhay. Naniniwala rin ako na ito rin ang pangarap at pangako ng mga magulang sa kanilang mga anak,” wika ni Aquino, na tinutukoy ang kanyang anak na si Rory.
Bukod sa pagtukoy sa lawak ng bullying sa mga paaralan, layunin din ng pagdinig na tuklasin ang mga reporma upang mapalakas ang proteksyon para sa mga estudyante, sa gitna ng pangamba na ang ilang paaralan ay nagiging lugar ng takot sa halip na ligtas na espasyong nagpapalago ng pagkatuto at pag-unlad.
“Isinasagawa po natin ang pagdinig na ito dahil nagmumula ako sa isang lugar ng matinding pag-aalala—na ang ating mga paaralan at iba pang pampublikong lugar ay unti-unting nagiging pugad ng pambu-bully. Sa halip na pagyamanin ang pagkatuto, inobasyon, at empatiya, ang ating mga paaralan ay posibleng nagiging espasyo ng takot,” giit niya.
Binanggit din ni Aquino ang mga natuklasan ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM), na nag-uugnay sa bullying sa mababang antas ng literacy, mas mahinang academic performance, at mas mataas na antas ng pagliban sa klase na maaaring magdulot ng pangmatagalang trauma sa mga estudyante.
“Kapag ang ating mga anak ay binu-bully, bumubuo po tayo ng isang henerasyong puno ng trauma. Sa halip na yakapin ang pag-aaral, natatakot ang mga kabataan sa mismong espasyo ng pagkatuto,” ani Aquino.
“Bilang isang ama at bilang Pilipino, ninanais po natin ang isang mundong mapayapa at ligtas sa karahasan para sa mga kabataan. Nagsisimula po ito sa bahay pero siyempre po sa paaralan kung saan ito ang second home ng maraming kabataan. Ang lugar pong ito ay dapat safe space, ay dapat po mapayapa para sa mga estudyante, para sa mga guro, at para po sa lahat ng nais mag-aral sa ating sistemang pang-edukasyon sa ating bansa,” dagdag pa niya. Ernie Reyes