MANILA, Philippines – PINANGUNAHAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., araw ng Lunes ang pag-turn over at pag-inspeksyon ng Learning Continuity Space (LCS) at pag-roll out ng YAKAP at Kalinga Caravan sa Bogo City, Cebu.
Bahagi ito ng pagsisikap ng pamahalaan na suportahan ang mga komunidad na apektado ng September 2025 earthquake.
Layon ng mga inisyatiba na tumulong sa pagtiyak na nagpapatuloy anga edukasyon habang nagbibigay naman ng pangunahing healthcare services sa mga mag-aaral, guro, at mga residente sa mga lugar na naapektuhan ng kalamidad.
Sa kabilang dako, nilibot naman ni Pangulong Marcos ang Marcelo B. Fernan Polambato Elementary School sa Bogo City, kasama si Education Secretary Sonny Angara.
Ang LCS ay nagsisilbi bilang pansamantalang pasilidad kung saan ang mga mag-aaral ay maaaring magpatuloy ng kanilang mga klase habang kinukumpuni o muling itinatayo ang mga nawasak na school infrastructure.
Samantala, ang YAKAP at Kalinga Caravan ay naghahatid naman ng mahahalagang medical at social services, kabilang na ang health consultations at assistance programs, sa mga apektadong komunidad.
Ang aktibidad ay bahagi ng post-disaster recovery efforts ng national government sa northern Cebu, na kabilang sa mga lugar an tinamaan ng malakas na lindol noong nakaraang taon. KRIS JOSE