Home OPINION US, ISRAEL, MAY SALA SA KRISIS SA LANGIS

US, ISRAEL, MAY SALA SA KRISIS SA LANGIS

197
0

ANG dating naglalaro sa P64 kada litro na diesel at gasolina noong nakaraang linggo ay naglaro hanggang kahapon sa P80-P89 kada litro.

Dahil may dagdag-presyo ngayong araw na naglalaro sa P19.30-P22.30 kada litrong diesel at P14-P17 kada litrong gasolina, malamang na aabot o maglalaro na sa P100 para sa diesel at ganito rin para sa gasolina.

Hindi rin lumalayo ang presyo sa kerosene at malamang susunod na rin ang presyo ng liquefied petroleum gas, maging ang aviation fuel.

Hindi maiiwasan ang pagtataas na rin ng lahat ng presyo ng mga pangangailangan mula sa pagkain hanggang sa konstruksyon, gamit sa eskwela, gamot at iba pa.

Ang mga kompanya ng kuryente ay magtataas sila ng singil sa buwang ito at bumigay na rin ang Department of Transportation sa pagtataas-pasahe sa mga barko at susunod na ang mga jeepney at bus taxi, rider at TNVS kung tawagin.

Sinasabi ng gobyerno na bawal ang pagsasamantala at profiteering, ngunit paano nito ipatupad at nasaan ang sukatan dito?

Isa pa, walang deklarasyon ng state of calamity o emergency para kontrolin ang kilos ng mga mapagsamantala at ganid sa tubo, bukod sa kawalan ng kapangyarihan ng gobyerno na diktahan ang presyo ng langis at kuryente dahil sa Oil Deregulation Law at Electric Power Industry Reform Act na pinakamalalaking dahilan ng pagtataas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo.

US AT ISRAEL MAYSALA

Lahat ng nagaganap na krisis ngayon sa langis na nagbunga na rin ng krisis sa iba pang mga bagay gaya ng presyo ng mga bilihin at serbisyo ay hindi sana pumutok o sumabog kung hindi ginyera ng United States at Israel ang Iran.

Sa partikular, nais ng US na sakupin ang lahat ng bansa na may mga malaking kayamanan, lalo na ang langis, para pagkakitaan ng mga Amerikano.

Naunang kinidnap nito si Venezuelan President Nicolas Maduro sa bintang na sangkot ito sa droga ngunit ang katotohana’y nais ng US na angkinin ang langis ng Venezuela na may pinakamalaking deposito sa buong mundo at nagaganap ito ngayon.

Isinunod nito ang Iran na pang-4 sa mundo na producer ng langis at nais din nitong agawin ang langis doon para pagkakitaan din at dito sumama ang Israel.

Ngunit ipinakikita ng Iran na hindi ito Venezuela o Maduro na basta na lang mawalan ng kakayahan na lumaban at ipagtanggol ang sariling pamahalaan at soberanya bilang isang bansa.

Bukod sa pagsasara ng Iran sa Strait of Hormuz na daluyan ng pinakamalaking langis na pumupunta sa Asya, kabilang ang Pilipinas, winawasak ng Iran ngayon ang mga refinery at balon ng langis ng mga Arabong bansa, lalo na ang mga base militar ng US na roon nanggagaling ang mga bumobomba sa Iran at bilang ganti na rin ng Iran sa pagwasak din ng US at Israel sa mga balon at refinery nito.

Heto ang tunay na pinagmulan ng krisis sa suplay at presyo ng langis at mga produktong petrolyo na ating ikinahihirap ngayon.

Ano-ano nga ba ang dapat gawin, lalo na ng pamahalaan?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here