MANILA, Philippines – NAGLABAS ng kabuuang ₱1.76 bilyon na ayuda at insentibo ang pamahalaang lungsod ng Maynila upang pasiglahin ang ekonomiya sa gitna ng tumataas na presyo ng langis dulot ng tensyon at armadong sigalot sa Middle East.
Inanunsyo ni Manila City Mayor Francisco Isko Moreno Domagoso nitong Lunes, Marso 16 ang pagpapalabas ng pondo na magmumula sa General Fund at Trust Fund ng lungsod upang agad na maipamahagi sa mga residente, estudyante, empleyado ng gobyerno at mga barangay.
Ayon sa alkalde, mahalagang mailabas agad ang pondo upang mapalakas ang kakayahang bumili ng mga Manileño at makatulong sa pag-ikot ng pera sa ekonomiya ng lungsod.
Tinatayang mahigit 330,000 Manileño o halos 15 porsyento ng populasyon ng Maynila ang direktang makikinabang sa programa, karamihan ay mga “head of the families” na inaasahang magpapalawak ng benepisyo sa kanilang mga kabahayan.
Sa kabuuang halaga, ₱594.76 milyon ang manggagaling sa General Fund habang ₱1.165 bilyon naman ang mula sa Trust Fund, na magdadala sa kabuuang stimulus package na ₱1.76 bilyon.
Malaking bahagi ng pondo ay ilalaan sa Social Amelioration Program ng lungsod na nagkakahalaga ng ₱427.8 milyon para sa ayuda mula Enero hanggang Marso 2026 sa 287,095 benepisyaryo.
Kabilang dito ang ₱310.1 milyon para sa senior citizens, ₱25.6 milyon para sa solo parents, ₱75.9 milyon para sa adult persons with disabilities (PWDs), at ₱16 milyon para sa mga menor de edad na may kapansanan.
Maglalabas din ang lungsod ng ₱51.1 milyon na educational assistance para sa 17,043 estudyante ng dalawang pampublikong unibersidad sa Maynila—ang Universidad de Manila at Pamantasan ng Lungsod ng Maynila.
May nakalaan ding ₱103.28 milyon na tulong pinansyal para sa 16,425 kawani ng mga ahensya ng pambansang pamahalaan sa lungsod. Kabilang dito ang mga guro ng Schools Division Office–Manila, mga tauhan ng Manila Police District, at mga miyembro ng Bureau of Jail Management and Penology.
Bukod dito, maglalabas din ng ₱12.49 milyon para sa iba pang assistance programs, kabilang ang tulong para sa senior high school students at sa mga tauhan ng Bureau of Fire Protection.
Samantala, mula sa Trust Fund ay ipamamahagi rin ang ₱1.094 bilyon na bahagi ng mga barangay sa Maynila mula sa koleksyon ng barangay clearances at Real Property Tax ng 896 barangay sa lungsod.
May hiwalay ding ₱71.3 milyon na ipamamahagi bilang PhilHealth professional fee sharing para sa 6,495 health workers mula sa mga ospital ng lungsod at Manila Health Department, kabilang ang Ospital ng Maynila, Sta. Ana Hospital, Jose Abad Santos General Hospital, Ospital ng Tondo, Ospital ng Sampaloc, at Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center.
Ayon kay Yorme Isko, ang agarang pagpapalabas ng pondo ay mahalagang hakbang upang mapanatiling umiikot ang ekonomiya at maprotektahan ang mga trabaho sa lungsod sa gitna ng pandaigdigang krisis sa presyo ng langis. JAY Reyes