MANILA, Philippines — Nagprotesta ang mga guro at education workers kasama ang iba’t ibang sektor sa harap ng headquarters ng isang oil company nitong Lunes, Marso 16 upang kondenahin ang patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Pinangunahan ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) ang pagkilos, kasama ang mga tsuper, commuter, magsasaka at mangingisda, bilang pagtutol sa sunod-sunod na oil price hike na umano’y nagpapabigat sa gastusin ng mga ordinaryong Pilipino.
Ayon sa grupo, lalong pinapalala ng pagtaas ng presyo ng langis ang krisis sa kabuhayan ng mga guro at education workers na matagal nang nahaharap sa mababang sahod at mataas na cost of living.
Sa naturang protesta, simbolikong naghagis ng itim na luwad ang mga demonstrador sa logo ng Petron bilang pagpapahayag ng galit sa umano’y pagsasamantala ng mga oil company sa kasalukuyang krisis.
Sinabi ng ACT na nagaganap ang panibagong oil price hike kahit inaamin mismo ng pamahalaan na may sapat pang suplay ng langis, kaya’t pinaniniwalaan nilang ang pagtaas ng presyo ay dulot ng speculative pricing at paghahangad ng tubo ng mga korporasyon.







