MANILA, Philippines – INANUNSYO ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang distribusyon ng cash assistance at fuel subsidies para sa public utility vehicle drivers, mga magsasaka, at mangingisda para pagaanin ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis bunsod ng labanan sa Gitnang Silangan.
Sa isang video message, sinabi ni Pangulong Marcos na simula ngayong araw ng Martes, Marso 17 ay mamamahagi na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng P5,000 na cash sa 139,000 tricycle drivers sa 17 local government units sa National Capital Region (NCR).
Sinabi nito na ang mga tricycle drivers sa labas ng Metro Manila, transport network vehicle service (TNVS), at jeepney drivers ay makatatanggap ng kanilang P5,000 cash assistance sa mga darating na araw.
“At sa huling linggo ng Marso, ilalabas na ng DOTR ang fuel subsidy,” ang pahayag ng Pangulo.
At upang masiguro ang food supply, sinabi ni Pangulong Marcos na ang P3,000 na fuel subsidy ay ipalalabas sa 26,000 mga magsasaka.
Habang sa araw naman ng Huwebes, Marso 19, P3,000 sa fuel subsidy ay ipamamahagi sa 26,000 mangingisda.
“Sisikapin din ng Department of Agriculture na ipamahagi sa Abril sa bawat magsasaka at mangingisda ang lagpas P2,000 tulong mula sa Presidential Assistance for Farmers and Fisherfolk Program,” ang tinuran ni Pangulong Marcos.
“Magagamit po ito ng mga magsasaka sa kanilang hanapbuhay,” aniya pa rin.
Para sa negosyo, sinabi ni Pangulong Marcos na babawasan naman ng Civil Aviation Authority of the Philippines ang passenger service charge nito, maging ang landing, parking, at iba pang bayarin.
“Ito ay makakatulong para bumaba ang gastos ng mga airline at ang mga pamasahe sa eroplano,” ang winika ng Pangulo.
Paiikliin naman ng Civil Aeronautics Board ang pagrerebisa sa fuel surcharge mula isang buwan ay magiging 15 araw na lamang ito. Layon nito na masiguro ang mabilis na adjustment ng pamasahe kapag ang presyo ng jet fuel ay nagbago.
“Ibig sabihin, kapag tumaas ang presyo ng jet fuel, mas kontrolado ang pagtaas ng airfare. At kapag bumaba naman ang presyo ng jet fuel, mas mabilis ding bababa ang pamasahe,” ayon sa Pangulo.
Inatasan naman ni Pangulong Marcos ang mga ahensiya ng gobyerno na rebisahing mabuti ang kanilang regulasyon sa pagbibigay ng lisensiya, permit, clearances, at certifications.
“Tingnan ninyo kung alin dito ang puwede munang suspendihin o ‘di kaya ay babaan ang mga singil upang makabawas sa mga iniintindi ng taong-bayan,” ani Pangulong Marcos.
Para sa education sector, sinabi ni Pangulong Marcos na nananatiling ipinagbabawal ang anumang ‘fees at contributions’ sa mga pampublikong eskuwelahan lalo na ngayong graduation season.
Sa kabilang dako, sa darating na Marso 25, ang mga ahensiya ng gobyerno at mga employers ay nasa mga paaralan upang ang mga high school students at gradweyt ay maaaring mag-apply para sa trabaho at makakuha ng mas madaling access sa clearances.
“Mga kababayan, ngayon, higit kailanman, kailangan natin ang pagtutulungan ng bawat isa. Walang iwanan, walang maiiwan sa pagharap natin sa hamong ito,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.
“Asahan ninyo ang patuloy naming paggawa ng mga hakbang upang maibsan ang mabigat na epekto ng kaganapan sa Gitnang Silangan sa taong-bayan,”aniya pa rin.
“Nawa’y manatili ang ating tiwala sa isa’t isa at ang pananampalataya na malagpasan din natin ang mga pagsubok. Dalangin natin ang kapayapaan at kaligtasan ng lahat. Marami pong salamat,” ang pahayag pa rin ng Pangulo. KRIS JOSE