MANILA, Philippines – Umarangkada na ang pamamahagi ng cash assistance ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga tsuper at operator ng tricycle driver sa Lungsod ng Maynila na apektado ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Ang pamamahagi ng cash assistance ay sinimulan sa ibat-ibang lugar kung saan kabilang sa pagdarausan nito ay sa Patricia Paraiso Sports Complex sa Tondo para sa mga benepisyaryo mula District I at II na may kabuuang 352 operator at driver ng tricycle ang tatanggap ng tulong na aabot sa mahigit P1.7 milyon.
Nasa 1,073 na mula District V at Baseco ang makatatanggap ng mahigit P5.3 milyun na ipamamahagi sa Dakota Covered Court sa Ermita.
Sa ASAC Covered Court sa Barangay 627 sa Sta. Mesa, kabuuang 1,101 tricycle driver mula District IV at VI ang makikinabang sa mahigit P5.5 milyun na ayuda.
Inaasahan namang makikinabang ang 937 tricycle driver mula sa District III sa Barangay 377 Covered Court sa Sta. Cruz, na may kabuuang pondong mahigit P4.6 milyon.
Sa kabuuan, tinatayang 3,463 transport workers sa Maynila ang makatatanggap ng fuel subsidy na aabot sa kabuuang mahigit P17.3 milyon.
Katuwang ng DSWD ang Manila Depart,enter of Social Welfare at lokal na pamahalaan ng Maynila sa pagsisimula ng pamamahagi ng cash assistance para sa mga apektadong mga tsuper at operator ng tricycle kung saan maaga silang pumili kahit pabago-bago ang lagay ng panahon ngayong umaga. Jocelyn Tabangcura-Domenden