Home NATIONWIDE Malakanyang: ‘Di kailangang magdeklara ng state of national emergency

Malakanyang: ‘Di kailangang magdeklara ng state of national emergency

148
0

MANILA, Philippines – Walang nakikitang pangangailangan si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para magdeklara ng state of national emergency sa gitna ng tumataas na presyo ng fuel.

Ang pagdedeklara ng state of national emergency ay para pahintulutan ang gobyerno na i-take over ang operasyon ng oil industry.

Sa press briefing sa Mandaue City, Cebu, tiniyak ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace press officer Claire Castro na nananatiling ‘manageable’ ang situwasyon, binigyang diin na patuloy na ipinatutupad ng gobyerno ang kontrol sa mga kaganapan na nakaaapekto sa sektor ng langis.

“Sa ngayon po ay wala pa po tayo sa ganong sitwasyon,” ani Castro nang hingan ng reaksyon ukol sa panawagan kay Pangulong Marcos na ipakiusap ang emergency powers sa ilalim ng Republic Act (RA) 8479 o Oil Deregulation Law na kokontrol sa industirya ng langis.

“Ang Pangulo po at ang gobyerno ay still under control. In control of the situation,” ang sinabi pa ni Castro.

Aniya pa, nananatili naman ang mahigpit na koordinasyon ng Department of Energy (DOE) sa mga kompanya ng langis para i-monitor ang suplay at galaw ng presyo.

Sinabi pa ni Castro na ang pakikipag-ugnayan sa mga kompanya ng langis ay nakatutulong na masiguro ang katatagan sa merkado sa kabila ng external pressures na nakaaapekto sa global oil prices.

Nauna rito, nanawagan si Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) Rep. at House Deputy Speaker Raymond Democrito Mendoza kay Pangulong Marcos na ikonsidera ang pagdedeklara ng state of national emergency para pahintulutan ang temporary government takeover ng mga operasyon ng oil companies.

Tinukoy ni Mendoza na sa ilalim ng Section 14(e) of RA 8479, maaaring pansamantalang i-take over ng DOE ang operasyon ng mga entities sa oil industry sa panahon ng emergency.

Gayunman, sinabi ni Castro, na ang kasalukuyang kondisyon ay hindi naman nangangailangan ng ganoong hakbang, lalo pa’t ang umiiral na mekanismo ay nasa ayos para pangasiwaan ang situwasyon.

Umapela naman si Castro sa publiko na manatiling kalmado at iwasan ang pagpapakalat ng pangamba.

“Ang pakiusap lamang po natin sa ngayon dahil nasa sitwasyon tayong ganito, let us refrain from doing activities like fear mongering. Mas nakakadagdag po ito ng takot sa ating mga kababayan,” ang pahayag ni Castro.

Ani Castro, kasalukuyang pinag-aaralan ng administrasyon ang hakbang na naglalayong payagan ang gobyerno na pagaanin ang epekto ng tumataas na presyo ng fuel kabilang na ang posibleng adjustments sa buwis sa petroleum products.

Sinabi pa ni Castro na ang panukala ay kasalukuyang ginagawang batas para sa pagsasaalang-alang ng mga mambabatas.

Aniya pa, ang panukala na amiyendahan o ipawalang-bisa ang Oil Deregulation Law ay usapin na ipinauubaya na sa Kongreso.

“Nasa Kongreso na po yan. Kung ano po ang kanilang nasasaloobin, kung ano ang nakikita nilang magiging maganda para sa ating bansa,” ayon kay Castro sabay sabing “Lahat po ng ikagaganda ng bansa hindi naman po tututulan ng Pangulo.” (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here