Home HOME BANNER STORY 7 menor napigilan sa tangkang ‘killing spree’ sa paaralan

7 menor napigilan sa tangkang ‘killing spree’ sa paaralan

123
0

MANILA, Philippines — Nasagip ng mga awtoridad ang pitong menor de edad matapos matuklasan ang umano’y mga talakayan online tungkol sa planong pag-atake sa paaralan at pagpapakamatay, ayon sa Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG).

Ayon kay PNP-ACG Acting Director Police Brigadier General Wilson Asueta, nagsagawa ng operasyon ang mga awtoridad matapos makatanggap ng ulat na nagpapakita ang mga menor de edad ng senyales ng “nihilistic violence” at suicidal ideation sa internet.

Sinabi ni Asueta na kabilang umano ang mga menor de edad sa isang virtual game kung saan hinihikayat silang manood ng mararahas na content, kabilang ang mga materyal na may kaugnayan sa mass attackers at iba pang nakababahalang personalidad.

“‘Pag ito ay palagi mong pinapanood, ma-influence ka. Na-adopt mo ‘yung sistema doon, mayroong tendency to result to violence. Kaya nihilistic violence ang tawag natin dito,” ani Asueta.

Nadiskubre ng mga imbestigador na ang kanilang online exchanges ay may mga larawan at sanggunian sa mga naganap na mass attacks at school shooters. Ilan sa mga menor de edad ang umano’y nag-usap din tungkol sa pagkuha ng mga bagay na katulad ng ginagamit ng mga armadong indibidwal.

“So, bumili sila. Mabuti, hindi pa sila nakakuha ng mga weapons. So, kung tuloy-tuloy ito, baka nangyari,” ayon kay Asueta.

Ayon sa PNP-ACG, nakatakda sana ang umano’y pag-atake noong Pebrero 16 ngunit napigilan ito dahil sa maagang pagtukoy at koordinasyon ng mga law enforcement at lokal na awtoridad.

Ang pitong menor de edad, na pawang 15 taong gulang, ay itinurn-over sa kani-kanilang city social welfare office para sa counseling at interbensiyon. Ayon sa mga awtoridad, maaaring ipatupad ang psychosocial support at pansamantalang pagbabago sa learning arrangements tulad ng modular learning kung kinakailangan.

Nanawagan din ang PNP-ACG sa mga magulang at guardian na mas bantayan ang online activities, paggamit ng digital devices, at pakikisalamuha ng kanilang mga anak. Hinikayat din ang publiko na ireport sa PNP-ACG ang anumang kahina-hinalang aktibidad sa internet sa pamamagitan ng kanilang hotline numbers. Mary Anne Sapico 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here