Home NATIONWIDE 30% taas-singil sa pagpapadala ng kargamento, ibinabala ng truckers

30% taas-singil sa pagpapadala ng kargamento, ibinabala ng truckers

133
0

MANILA, Philippines — Nagbabala ang isang grupo ng truckers na magpapatupad sila ng hindi bababa sa 30% pagtaas sa singil sa kanilang serbisyo kasabay ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis dulot ng krisis sa Middle East, na maaaring magdulot ng pagkaantala sa delivery ng kargamento at makaapekto sa suplay ng pagkain.

Ayon kay Confederation of Truckers Association of the Philippines Inc. president Maria Zapata, napagdesisyunan ang pagtaas ng singil nang umabot sa P90 kada litro ang presyo ng fuel, habang ang diesel—na bumubuo ng halos 50% ng kanilang gastos—ay halos umabot na o lumagpas sa P100 kada litro.

Sa harap ng inaasahang pagtaas, magsasagawa ang grupo ng konsultasyon sa kanilang mga miyembro upang matukoy ang pinakamainam na hakbang sa pakikipag-ugnayan sa kanilang mga kliyente.

“Nakakatakot nga ito eh kasi made-delay ang arrival ng lahat ng kargamento… Nakakatakot dito ‘yung food, ‘yung pagkain,” ani Zapata.

“It will cause an artificial displacement again ng mga tao at ng mga trabahador. Napakaraming magiging komplikasyon nito kung hindi magkakatulong-tulong ang gobyerno at saka ang private sector,” dagdag niya.

Sinabi rin ni Zapata na maaaring humingi sila ng konsiderasyon sa kanilang mga kliyente upang mabawi ang tumataas na gastos sa fuel.

“Mapipilitan kaming humingi ng consideration sa aming mga kliyente para ma-recover namin ‘yung cost of fuel,” aniya.

Nanawagan din siya sa pamahalaan na isama ang sektor ng trucking sa mga makatatanggap ng ayuda sa gitna ng krisis sa langis.

Muling tumaas ang presyo ng fuel ngayong linggo, kung saan nasa P20.40 hanggang P23.90 kada litro ang diesel, P12.90 hanggang P16.60 ang gasolina, at P6.90 hanggang P8.90 ang kerosene. Samantala, nagbabala ang Iran na maaaring umabot sa $200 kada bariles ang presyo ng krudo dahil sa tensyon at limitasyon sa Strait of Hormuz. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here