MANILA, Philippines — Pinangunahan ng Food and Drug Administration (FDA) ang pagsira sa mga recalled na batch ng NAN OPTIPRO at NANKID OPTIPRO na gatas upang matiyak na hindi na ito muling makapasok sa merkado, bilang bahagi ng huling yugto ng recall process para maprotektahan ang kalusugan ng publiko.
Ayon sa FDA, isinagawa ang aktibidad sa pamamagitan ng Food Product Recall Committee, kung saan dumalo ang mga opisyal at inspector sa on-site na pagsira ng mga produkto.
Sinunod ng ahensya ang kumpletong proseso ng disposal, kabilang ang pag-tag at pag-verify ng mga nakolektang produkto, pagbubukas ng mga ito, at paghahalo o pag-adulterate upang tuluyang hindi na magamit.
“All steps were carried out under the supervision of FDA representatives to ensure strict compliance with regulatory procedures and safeguards,” ayon sa ahensya.
Binigyang-diin ng FDA na layunin ng prosesong ito na tuluyang alisin ang mga apektadong produkto sa supply chain at mapanatili ang integridad ng merkado.
Dagdag pa nito, bilang bahagi ng environmental commitment ng Nestlé Philippines, ang mga nasirang materyales ay daraan sa co-processing sa mga cement facility ng Holcim Philippines kung saan sasailalim ang mga ito sa mataas na temperatura para sa ligtas na disposal.
Isinagawa ang recall bilang boluntaryong hakbang alinsunod sa mahigpit na biosafety at quality standards upang maiwasan ang anumang panganib sa kalusugan.
Ayon sa FDA, magpapatuloy ang mahigpit na pagbabantay sa mga recall procedure, bagama’t hindi tinukoy ang eksaktong lokasyon kung saan isinagawa ang pagsira ng mga produkto. Santi Celario