MANILA, Philippines — Ipinahayag ng dating gobernador ng Ilocos Sur na si Luis “Chavit” Singson ang kahandaang tumestigo sa Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng imbestigasyon sa umano’y anomalya sa mga flood control project, ayon kay Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson.
Ayon kay Lacson, personal na ipinaabot ni Singson ang kanyang intensyon nang bumisita ito sa kanyang tanggapan, at tinanggap niya ang kahilingan nitong makapagtestigo sa susunod na pagdinig.
“He was in my office…He may or he may not (submit an affidavit). Because, for me it’s enough that what he will testify would be relevant to the Blue Ribbon’s investigation,” ani Lacson.
Sinabi ng senador na ang kredibilidad ni Singson ay nakasalalay sa kanyang magiging pahayag, at nasa kanya na rin ang pagpapaliwanag kung bakit siya lalahok sa imbestigasyon bilang dating opisyal ng gobyerno.
“Well, he’s a former governor, that’s why I’ll leave it up to him to justify his presence if he does testify,” aniya.
“Anyway, you will be able to see the credibility or incredibility, which ever the case, of whatever he will say,” dagdag niya.
Nauna nang nanawagan si Singson na imbestigahan ang mga flood control project sa Ilocos Norte at iniuugnay ang ilang contractor sa Discaya group.
Ayon kay Lacson, target isagawa ang susunod na pagdinig sa Abril 14, 2026 matapos ang Holy Week recess ng Senado, bagama’t maaari itong maagang itakda kung kinakailangan.
“But if we can hold it much earlier then, why not,” ani Lacson, na mas nais na kumpleto ang mga senador sa pagdinig.
Mag-a-adjourn ang Senado sa Marso 21 at magbabalik-sesyon sa Mayo 3.
Samantala, pinag-aaralan pa ng komite kung iimbitahan ang 18 dating Marines bilang resource persons dahil sa pangamba sa pagiging mapagkakatiwalaan ng kanilang testimonya.
“If one of them is obviously lying, and once there is a motion to cite them in contempt, then we’ll have bit of a problem there,” aniya. RNT