ZAMBOANGA CITY — Iniimbestigahan ng pulisya ang pagkamatay ng isang 16-anyos na lalaki na umano’y gumamit ng vape na hinaluan ng lason na kilala sa lokal na tawag na “sabah sabah.”
Ayon sa ina ng biktima, na humiling na huwag pangalanan, namatay ang kanyang anak ilang oras matapos malanghap ang nasabing substance.
Nakaranas umano ito ng matinding pisikal na reaksyon at isinugod sa ospital noong Linggo ng gabi, kung saan idineklara itong patay pagsapit ng hatinggabi dahil sa cardiac arrest.
Isang kasama ng biktima ang nakaranas din ng kaparehong sintomas ngunit kalaunan ay nakarekober.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya, katuwang ang mga opisyal ng barangay at mga saksi, upang matukoy kung saan nagmula ang ilegal na substance. Mary Anne Sapico