Home TOP STORIES Pagkatay sa aso sa Navotas, kinondena ng solon

Pagkatay sa aso sa Navotas, kinondena ng solon

114
0

ARESTADO ang isang lalaki at magkapatid na babae nang mahuli sa aktong nagkakatay ng aso na kanilang ibinebenta sa Navotas City.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, sinabi ni Navotas Police Chief P/Col. Renante Pinuela na dakong ala-1:00 ng hapon nang makatanggap sila ng tawag sa kanilang Station Tactical Operation Center kaugnay sa ginagawang pagkakatay at pagbebenta ng karne ng aso sa Fatima St., Brgy. Bagumbayan South.

Kaagad namang rumesponde sa lugar ang mga operatiba ng Station Intelligence Unit ng Navotas CPS kung saan nahuli sa akto na nagkakatay ng babaeng aso ang 26-anyos na lalaki na si alyas “Boy,” at kasabwat nitong 31-anyos na babae.

Nang arestuhin, tinangka pang pumalag ni alyas Boy nang itulak ang isa sa arresting officers habang kasama ring dinakip ang 26-anyos na babae nang manghimasok at tangkaing pigilan ang mga pulis para hindi maaresto ang kanyang ate.

Nakumpiska ng pulisya ang nakalatag na mga karne ng aso na una nilang kinatay, kabilang na rito ang humigit-kumulang 4.5 kilo ng karne, dalawang tanikala ng aso, tatlong patalim na pangkatay, at superkalan na pakuluan ng tubig.

Mahaharap sa patong-patong na kasong paglabag sa RA 8485 (Animal Welfare Act), RA 9482 (Anti-Rabies Act), at RA 10611 (Food Safety Act) ang lalaki at kasabwat na babae, habang karagdagang paglabag sa Article 151 ng Revised Penal Code (Resisting Arrest) ang isasampa laban kay alyas Boy at Obstruction of Justice naman sa 26-anyos na babae.

Samantala, sa pahayag ni Navotas City Mayor John Rey Tiangco, patuloy aniya silang naninindigan laban sa anumang uri ng pagmamaltrato sa hayop at tiniyak na paiigtingin nila ang pagpapatupad ng batas upang maprotektahan ang mga hayop at matiyak ang kaligtasan ng bawat Navoteño. Jojo Rabulan

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here