MANILA, Philippines – Nanawagan ang Department of Migrant Workers (DMW) sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na iwasan ang pagpo-post o pagbabahagi ng anumang content kaugnay ng mga pag-atake sa kanilang mga host country sa gitna ng umiigting na tensyon sa Middle East.
Inilabas ang paalala matapos maaresto ang ilang OFWs sa United Arab Emirates (UAE) dahil umano sa pag-upload ng mga video ng kamakailang missile attacks sa social media.
Sa isang pahayag, sinabi ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac na dapat “should strictly abide by host country security protocols and regulations” ang mga OFWs.
Ayon sa DMW, nagbibigay ang pamahalaan ng legal assistance sa mga naarestong manggagawa, at idinagdag na “The Migrant Workers Office in Abu Dhabi has also contacted the families of these OFWs to give such assurance.”
Nauna nang iniulat ng mga awtoridad sa UAE na 25 katao mula sa iba’t ibang nasyonalidad ang nahaharap sa pag-aresto at “expedited trial” dahil sa pagpo-post ng mga larawan kaugnay ng sigalot, dahil maaari itong magdulot ng takot sa publiko at maglantad ng sensitibong impormasyon sa depensa.
Kinumpirma ng Philippine Embassy sa UAE ang pag-aresto sa dalawang OFWs at ang kanilang kinaroroonan, at humiling na rin ito ng consular visit habang patuloy ang pagbibigay ng legal na tulong.
Muling pinaalalahanan ng embahada ang lahat ng OFWs sa UAE na “strictly adhere to local laws and regulations concerning the creation, posting, and sharing of photos, videos, and other online content, including AI-generated material, particularly in the context of the current regional situation.” Dave Baluyot