MANILA, Philippines – Naglabas ng babala ang Philippine Embassy sa Israel sa mga Pilipino na mag-ingat at agad magtungo sa mga shelter kasunod ng impormasyon tungkol sa posibleng missile barrage mula sa grupong Hezbollah.
Sa advisory, sinabi ng embahada na nakatanggap ng impormasyon ang Israel Defense Forces (IDF) na maaaring magkaroon ng pag-atake sa loob ng susunod na ilang oras.
Pinayuhan ang mga Pilipino na manatiling malapit sa mamad o mga itinalagang shelter at agad na sumilong sa oras na makatanggap ng emergency alert. Sa maraming bahagi ng Israel, humigit-kumulang 90 segundo lamang ang ibinibigay sa mga sibilyan upang makapunta sa bomb shelter kapag tumunog ang air raid sirens.
Pinaalalahanan din ng embahada ang mga Pilipino na tiyakin ang kaligtasan ng kanilang mga inaalagaang matatanda o pasyente sa ganitong sitwasyon.
Dagdag nito, ang mga safety advisory at beripikadong impormasyon ay ipinapadala sa Filipino community sa pamamagitan ng kanilang opisyal na WhatsApp channel, habang maaari ring tumawag sa 24/7 hotline na +972 54 466 1188 para sa tulong. Dave Baluyot