USA – Nagbitiw sa puwesto ang isang mataas na opisyal ng seguridad ng Estados Unidos dahil sa patuloy na digmaan sa Iran, iginiit na walang agarang banta ang nasabing bansa sa Amerika.
Si Joe Kent, direktor ng National Counterterrorism Center sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Donald Trump, ay nag-resign nitong Martes at naging unang mataas na opisyal na umalis kaugnay ng sigalot na nasa ikatlong linggo na.
“I cannot in good conscience support the ongoing war in Iran. Iran posed no imminent threat to our nation, and it is clear that we started this war due to pressure from Israel and its powerful lobby,” ani Kent sa kanyang liham na inilathala sa social media.
Pinabulaanan ito ng White House, kung saan sinabi ng tagapagsalita na si Karoline Leavitt na naglalaman ng “false claims” ang pahayag ni Kent.
“As President Trump has clearly and explicitly stated, he had strong and compelling evidence that Iran was going to attack the United States first,” ani Leavitt. “This evidence was compiled from many sources and factors.”
Ayon sa ilang eksperto, mahalaga ang patunay ng agarang banta upang mabigyang-katwiran ang pagsisimula ng digmaan sa ilalim ng international law.
Si Kent, na kilala sa kanyang paninindigang “America First” at pagtutol sa military interventions sa ibang bansa, ay hindi na nagbigay pa ng komento. Ikinagulat ng ilang opisyal ang kanyang pagbibitiw, lalo na’t malapit siya kay Director of National Intelligence Tulsi Gabbard, na nananatiling tahimik mula nang magsimula ang digmaan.
Ipinakita ng mga intelligence assessment bago at habang nagaganap ang digmaan na malabong bumagsak ang pamahalaan ng Iran at posibleng gumanti ito laban sa mga puwersa at kaalyado ng US sa rehiyon.
Samantala, sinabi ni Senator Mark Warner, isang lider ng Demokratiko sa Intelligence Committee, na hindi dapat naitalaga si Kent, ngunit sumang-ayon siya sa pahayag nito hinggil sa kawalan ng agarang banta.
“But on this point, he is right: There was no credible evidence of an imminent threat from Iran that would justify rushing the United States into another war of choice,” ani Warner. RNT