MANILA, Philippines — Kayang tukuyin at i-filter ng modernisadong Unified 911 system ang AI-generated at automated prank calls upang mabigyang-prayoridad ang mga tunay na emergency, ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG).
Ayon kay Emergency 911 National Office Executive Director Francis Fajardo, natutukoy ng sistema ang mga pattern ng robo-calls at AI-generated reports at kaya nitong i-validate ang mga papasok na tawag upang mabawasan ang maling alarma.
“May nakarating sa akin na nag-report na AI-generated. Ngayon, sa Unified 911, with our modernized system, nafi-filter natin ‘yang mga robo-calls at AI-generated,” ani Fajardo.
“Meron kasi tayo sa system natin na nava-validate natin kung ‘yan ay AI-generated. Sa system, nakikita na natin ‘yan,” dagdag niya.
Mula nang ilunsad ang sistema noong Setyembre 2025, bumaba ng 98.3 porsyento ang prank at abandoned calls, bagama’t nananatiling hamon ang mga kahina-hinalang tawag na maaaring magdulot ng pagkaantala sa pagtugon sa totoong emergency.
Bilang tugon, sinusubaybayan ng sistema ang mga numerong paulit-ulit na tumatawag para sa prank o hindi emergency at binibigyan ang mga ito ng mas mababang prayoridad upang mauna ang mga beripikadong kaso.
Pinaalalahanan ni Fajardo ang publiko na gamitin nang tama ang hotline dahil ang mga hindi kailangang tawag ay maaaring makapagpabagal sa pagresponde sa mga sitwasyong may kinalaman sa buhay at kaligtasan.
“Iwasan na po natin tumawag kung hindi naman emergency. By the time na kayo na ang mangailangan ng tulong, baka hindi kayo agad masagot,” aniya.
Muling iginiit ng DILG na ang Unified 911 ay para lamang sa mga emergency at hinikayat ang publiko na huwag abusuhin ang sistema. Santi Celario