MANILA, Philippines – Napansin ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang bahagyang pagbaba ng bilang ng mga sasakyan sa mga pangunahing kalsada habang nag-aadjust ang mga motorista sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Ayon kay MMDA General Manager Nicolas Torre III, base ito sa paunang obserbasyon at napansing medyo lumuwag ang daloy ng trapiko sa ilang lugar.
“May reduction of volume tayong nakikita,” ani Torre.
Gayunman, sinabi niyang iba ang sitwasyon tuwing gabi bago ang inaasahang taas-presyo ng langis.
“Kung ang pag-uusapan natin yung anecdotal na observation, well, nakita niyo rin siguro naramdaman natin na medyo lumuwag ang mga kalsada sapagkat may reduction of volume tayong nakikita. Kaya nga lang napansin namin sa gabi, na may announced na price increase the next day, talaga naman yung paligid ng mga major gasoline stations nagkakaroon ng traffic kaya mga kami nag buo ng traffic assistance dahil nakapila ang ating mga kababayan,” paliwanag niya.
Patuloy pang sinusuri ng MMDA ang datos para makita kung may malinaw na pagbabago sa dami ng sasakyan at takbo ng trapiko.
Samantala, nananatiling katamtaman ang daloy ng trapiko sa ilang bahagi ng Maynila at Quezon City. RNT/MND