Home HOME BANNER STORY 2M sako ng bigas, nakahanda – NFA

2M sako ng bigas, nakahanda – NFA

149
0

MANILA, Philippines – Kinumpirma ng National Food Authority (NFA) na may dalawang milyong sako ng bigas na handa para sa agarang pamamahagi, habang patuloy nilang minomonitor at nire-redistribute ang stock araw-araw para maiwasan ang kakulangan o sobra.

“Well, sa ngayon, ang ating buffer stock kung lahat ay nagiling na ito, ito ay nasa 10.3 days to last. So, kung ang lahat ng ito ay giling na, nasa walong milyong bags na milled rice ang katumbas nito,” ani NFA Administrator Larry Lacson sa Bagong Pilipinas Ngayon sa PTV4.

“Pero ang actual milled rice natin ngayon is naka-2.6 million bags tayo ngayon, 600,000 doon ay for withdrawal ng ating mga nanalo sa auction. So, with that, nasa dalawang milyong sako ng bigas ang ready for distribution,” dagdag niya.

Ayon kay Lacson, ginagamit ng NFA ang controlled milling at nirorotate ang mga luma at bagong stocks sa pamamagitan ng auctions at programa ng Gobyerno na Benteng Bigas Meron Na para mapanatili ang kalidad at maiwasan ang pagkaaksaya.

Ipinabatid din niya na pinabilis ang milling para masuportahan ang rollout ng PHP20 rice. Ang digitalization program ng NFA, na nagsimula noong 2025, ay inaasahang matatapos sa 2028. Sa kasalukuyan, ginagamit pa rin nila ang lumang sistema kung saan araw-araw nag-uulat ang mga regional at branch offices pati warehouses kung ilang sako ang nire-release at pumapasok.

“Kapag nakumpleto po itong lahat ay talagang digital, from palay procurement to distribution ay digital na po iyan, mas madali. Pero sa ngayon, we’re using the old system where our regional offices, branch offices, and warehouses are reporting on a daily basis kung ilan iyong nari-release nila at pumapasok,” paliwanag ni Lacson.

Tiniyak niya rin na balansiyado ang pamamahagi ng bigas at may emergency preparedness para sa mga sakuna tulad ng bagyo at pagputok ng bulkan.

“Hindi namin hinahayaan na maubos lahat ang stock sa ‘Benteng Bigas’ na mabilisan kung saan magkakaroon naman tayo ng problema for calamities and emergency responses. Part of our mandate. Part of our strategy na balansiyadong-balansiyado iyan,” dagdag niya.

Hinihikayat ng NFA ang publiko na huwag magtali ng mahabang pila sa Kadiwa o Benteng Bigas centers dahil sapat ang suplay ng bigas sa bansa. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here