MANILA, Philippines – Naglabas ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng Labor Advisory No. 4, Series of 2026, na nagtatakda ng mga alituntunin sa pasahod para sa mga empleyado na magtatrabaho sa Marso 20 bilang paggunita sa Eid’l Fitr, na idineklarang regular holiday sa ilalim ng Proclamation No. 1189, Series of 2026.
Ayon sa advisory, ang mga empleyado na hindi magtatrabaho ay tatanggap ng 100% ng kanilang sahod sa araw na iyon, basta’t sila ay nasa approved leave of absence sa araw na nauuna sa regular holiday (basic wage x 100%).
Kung ang araw na nauuna sa regular holiday ay isang non-working day sa kumpanya o nakatakdang rest day ng empleyado, sila ay may karapatan pa rin sa holiday pay kung sila ay nagtrabaho o nasa approved leave of absence na may bayad sa araw bago ang non-working day o rest day.
Samantala, ang mga empleyado na magtatrabaho sa regular holiday ay tatanggap ng 200% ng kanilang sahod para sa unang walong oras (basic wage x 200%).
Ang trabaho na lampas sa walong oras ay babayaran ng karagdagang 30% ng kanilang hourly rate sa araw na iyon (hourly rate of the basic wage x 200% x 130% x number of hours worked).
Kung ang regular holiday ay tumapat sa rest day ng empleyado at siya ay nagtrabaho, siya ay babayaran ng karagdagang 30% ng basic wage ng 200% (basic wage x 200% x 130%).
Ang overtime work sa parehong kondisyon ay babayaran din ng karagdagang 30% ng hourly rate sa naturang araw (hourly rate of the basic wage x 200% x 130% x 130% x number of hours worked).
Pinaalalahanan ng Kagawaran ang mga employer na sumunod sa itinakdang mga alituntunin sa pasahod upang matiyak ang tamang bayad sa sahod ng mga empleyado sa panahon ng mga deklaradong holiday. Jocelyn Tabangcura-Domenden