Home METRO Seguridad sa PITX, pinaiigting para sa Undas

Seguridad sa PITX, pinaiigting para sa Undas

1
0

PARAÑAQUE CITY, Philippines — Magpapakalat ng karagdagang mga tauhan ng seguridad ang pamahalaang lungsod sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) upang matugunan ang inaasahang pagdami ng mga pasahero, partikular na ang mga bibiyahe patungo sa kanilang mga probinsya para sa paggunita ng Undas.

Ayon kay Parañaque City Mayor Edwin L. Olivarez, mahalagang matiyak ang seguridad sa PITX dahil isa na ito sa mga pinakaabalang sentro ng transportasyon sa bansa.

“Magpapakalat tayo ng karagdagang mga tauhan sa mga pangunahing sentro ng transportasyon sa buong Lungsod ng Parañaque upang matiyak ang kaligtasan, seguridad at kaginhawahan ng mga pasaherong uuwi sa kani-kanilang probinsya para sa Undas. Dahil inaasahang tataas ang bilang ng mga pasahero sa mahabang weekend, nais nating mapanatili ang maayos na daloy ng mga biyahero, mabawasan ang pagsisikip ng trapiko at agad na matulungan ang mga nangangailangan,” ani Olivarez.

Ayonkay Olivarez, batay sa datos na natanggap ng City Hall ay umaabot sa 200,000 pasahero kada araw ang naitatala sa PITX nitong mga nakaraang araw dahil sa nalalapit na Undas. Tinatayang aabot naman sa 1.3 milyon ang kabuuang bilang ng mga pasaherong pagsisilbihan nito hanggang Nobyembre 3.

Sa naganap na pulong nitong nakaraang Martes ng mga tanggapan ng pamahalaang lungsod na naghahanda para sa Undas, inihayag na magmumula ang karagdagang mga tauhan sa Philippine National Police (PNP) at mga volunteer group na pinangangasiwaan ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO).

Dahil dito, madaragdagan ang bilang ng mga tauhang ipakakalat ng pamahalaang lungsod mula 1,100 tungong 1,600. Karamihan sa mga karagdagang tauhan ay unang itatalaga sa PITX bago ipamahagi sa apat na sementeryo sa lungsod.

Sinabi ni Olivarez na inatasan na ang Special Services Office na tiyaking mabibigyan ng sapat na suporta ang lahat ng mga tauhang itatalaga sa PITX at sa mga sementeryo.

“Habang naghahanda ang libu-libong residente at biyahero na dalawin ang kanilang mga yumaong mahal sa buhay ngayong Undas, lalo nating paiigtingin ang ating presensya sa mga bus terminal, sentro ng transportasyon at iba pang lugar na inaasahang dadagsain ng maraming tao. Nais nating matiyak na magiging ligtas at panatag ang lahat ng dadaan sa Parañaque habang patungo sa kani-kanilang destinasyon,” dagdag ni Olivarez. (James I. Catapusan)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here