Home NATIONWIDE ICC trial ni Digong, sisimulan sa Nobyembre 30

ICC trial ni Digong, sisimulan sa Nobyembre 30

1
0

THE HAGUE, Netherlands – Itinakda ng International Criminal Court (ICC) sa Nobyembre 30, 2026 ang pagsisimula ng paglilitis kay dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng mga kasong crimes against humanity.

Magsisimula ang paglilitis sa ganap na 10:00 a.m. oras sa The Hague o 5:00 p.m. sa Pilipinas sa ilalim ng Trial Chamber III.

Binubuo ang lupon nina Presiding Judge Joanna Korner, Judge Keebong Paek at Judge Nicolas Guillou, na mangangasiwa sa paglilitis at titiyak na igagalang ang mga karapatan ng lahat ng partido at kalahok.

Nahaharap si Duterte sa mga kasong crimes against humanity na may kaugnayan sa umano’y pagpatay at tangkang pagpatay bilang bahagi ng malawakan at sistematikong pag-atake laban sa mga sibilyan sa Pilipinas mula Nobyembre 1, 2011 hanggang Marso 16, 2019.

Saklaw ng mga kaso ang tatlong bilang: ang umano’y mga pagpatay sa Davao City noong panahon ni Duterte bilang alkalde mula 2013 hanggang bandang Hunyo 2016; ang umano’y pagpatay sa mga tinaguriang “high-value targets” sa iba’t ibang bahagi ng bansa mula bandang Hulyo 2016 hanggang Hulyo 2017; at ang umano’y pagpatay at tangkang pagpatay na may kaugnayan sa mga operasyon ng barangay clearance mula bandang Hulyo 2016 hanggang Setyembre 2018.

Ayon sa ICC, sisimulan ang pagdinig sa pagkumpirma ng mga hukom kung nauunawaan ni Duterte ang mga kasong isinampa laban sa kanya. Tatanungin din siya kung inaamin niya ang mga paratang o itinatanggi ang mga ito.

Susundan ito ng mga pambungad na pahayag mula sa prosekusyon, mga legal na kinatawan ng mga biktima at depensa, kung pipiliin nitong maglahad ng pahayag.

Binigyan ang prosekusyon ng anim na oras para sa pambungad na pahayag, habang tatlong oras naman ang inilaan sa mga pinagsamang legal na kinatawan ng mga biktima.

Ayon sa ICC, magkakaroon ng apat na sesyon ng pagdinig bawat araw: 10:00 a.m. hanggang 11:00 a.m., 11:30 a.m. hanggang 12:30 p.m., 1:30 p.m. hanggang 2:30 p.m., at 3:00 p.m. hanggang 4:00 p.m. sa oras ng The Hague.

Katumbas ito ng 5:00 p.m. hanggang 6:00 p.m., 6:30 p.m. hanggang 7:30 p.m., 8:30 p.m. hanggang 9:30 p.m., at 10:00 p.m. hanggang 11:00 p.m. sa oras sa Pilipinas.

Inaasahang haharap ang unang testigo ng prosekusyon matapos ang mga pambungad na pahayag. Gayunman, sinabi ng korte na maaari nitong baguhin ang iskedyul depende sa bawat sitwasyon.

Nakatakdang magpatuloy ang mga pagdinig simula Nobyembre 30. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here