Home NATIONWIDE DBM kinalampag ni Speaker Dy sa mabagal na disbursement ng pondo

DBM kinalampag ni Speaker Dy sa mabagal na disbursement ng pondo

125
0

MANILA, Philippines – Kinalampag ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III ang Department of Budget and Management (DBM) sa pagkaantala ng pagpapalabas ng mga pondo kasabay ng kaniyang babala na ang mabagal na disbursement ay nangangahulugan ng mabagal na serbisyon para sa mga Pilipino.

Sa kaniyang pahayag sa plenaryo bago nag-adjourn ang Kamara para sa Lenten break ay hinimok ni Dy ang DBM na maging mabilis o magmadali upang hindi maantala ang implementasyon ng mga programa ng gobyerno.

“Kaya naman po sa mga kaibigan natin sa DBM, ayusin ninyo naman ang inyong trabaho. Bilis-bilisan ninyo naman ang inyong mga pagkilos. Gawin ninyo naman ang inyong mga tungkulin para maging maayos at maipatupad na ang mga programang sasagot sa kasalukuyang pangangailangan ng ating mga kababayan sa iba’t ibang mga rehiyon.”

Binigyang diin ng speaker na higit na maapektuhan ay ang publiko lalo na iyong mga naghihintay ng ayuda mula sa pamahalaan.

“Huwag ninyong sayangin ang oras at huwag na huwag nating paghintayin ang taumbayan. Ika nga, aanhin mo pa ang damo kung patay na ang kabayo? Ang serbisyo ay may halaga at mararamdaman lamang kung ito’y naipararating sa tamang oras.”

Aniya, nagawa na ng Kongreso ang gampanin nito na magpasa ng mga panukala para sa alokasyon ng pondo sa mga pangunahing proyekto ng pamahalaan.

“It is clear that through collective efforts, the members of this chamber are ready and willing to pass the laws and provide the funds for the programs necessary to address the needs of our countrymen,” giit pa ni Dy.

“Ngunit upang maging ganap na epektibo ang mga hangaring ito, kinakailangan nating tiyakin na ang mga pondong inilaan ng Kongreso ay makarating sa mga mamamayan nang maagap,” sinabi pa ni Dy na nawawalan aniya ng silbi ang batas at serbisyo kung naaantala ang pondo.

“Dahil ang batas na hindi naipapatupad ay nananatiling isang papel na walang halaga at ang serbisyo na hindi nakakarating sa tao ay huwad na paglilingkod. Kahit po maganda ang naipasang budget, it will mean nothing if the resources for the people do not reach them on time.”

Ipinaliwanag din ni Dy na ang kaniyang pahayag ay hindi reklamo kungdi ito ay panawagan para sa mas maayos na koordinasyon sa pamahalaan.

“Umaapela kami sa inyo hindi bilang kritiko kundi bilang katuwang ninyo sa mabilis at agarang pagtugon sa pangangailangan ng taumbayan.” (Meliza Maluntag)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here