MANILA, Philippines – Sinimulan na ng lokal na pamahalaan ng Parañaque ang pamamahagi ng cash assistance sa 7,000 drayber ng traysikel na bumibiyahe sa lungsod kaugnay sa nagaganap na giyera sa Middle East na naging epekto ng pagsirit sa pagtaas ng presyo ng gasolina sa buong mundo.
Ang pamamahagi ng tinatawag na subsidy na nagkakahalaga ng P5,000 ay nagsimula nitong nakaraang Martes (Marso 17) na magtatagal ng hanggang Marso 20 kung saan ang naturang payout ay gaganapin sa Palanyag Gym at Don Bosco Gym ng may iskedyul ang bawat miyembro ng 25 Tricycle Operators and Drivers Associations (TODA) sa lungsod.
Ang nabanggit na inisyatibo ay bahagi ng malawakang pagsisikap ng lungsod batay na rin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. (PBBM) na unahing mapagkalooban ng gas subsidy ang mga tricycle drivers.
Sinabi ni Parañaque City Mayor Edwin L. Olivarez na ang listahan ng mga benepisyaryo ay inaprubahan ng DSWD na pinondohan ng nasyonal na gobyerno.
Ang mga unang TODAs na makakatanggap ng subsidy ay mula sa BARMOTODA, ROMVTODA, SAVTODA, PGTODA, SVTODA, CISTODA, SBDBTODI, MPTODA, DASATA, FGCTODA, VATODA, SSNOTDA, EPTODA, BRICKTODA, SANTODA, ROMDO TODA, PLAGTODA, MEBCATODA, SHVBSGTODA, BMVTODA, UPSIVTODA, DFCSTODA, VCTODA, MGVTODAI, at MMVTODA.
“Wala pong maiiwanan. Lahat po mabibigyan ng fuel subsidy—‘yung pong limang libo po,” ani Olivarez.
Ayon kay Olivarez, pinag-aaralan din ng lokal na pamahalaan ang posibilidad sa pagbibigay ng karagdagang ayuda sa mga tricycle drivers ngunit nakadepende pa rin ito sa available na pondo ng lungsod.
“Pag-aaralan po ng ating pamahalaan kung baka may second round pa ito at may third round pa. Ia-update po namin kayo tungkol diyan,” dagdag pa ni Olivarez.
Personal na ininspeksyon ni Olivarez ang mga payout centers upang masiguro na magiging maayos at episyente ang proseso ng pagsasagwa ng naturang distribusyon.
Samantala, ang mga tricycle drivers na hindi napasama sa listahan ng mga makakatangap ng subsidy ng gobyerno ay pinayuhan na makipag-ugnayan sa kani-kanilang president ng TODA o dili kaya ay magpatala sa ilalim ng Parañaque HELP Card system na may access sa pagbibigay ng tulong at serbisyo sa lungsod.
Kasabay nito ay sinabi ni Olivarez na ang lokal na pamahalaan ay mamamahagi din ng fuel assistance sa 15,000-18,000 public utility vehicle (PUV) drivers sa susunod na parte ng programa ng subsidy. (James I. Catapusan)