MANILA, Philippines – Hihingi ng tulong ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa mga siyentipiko mula sa Project Nationwide Operational Assessment of Hazards (Project Noah) upang ayusin ang kontrobersyal na Matalahib Creek pumping station sa Quezon City.
Inilarawan ni Public Works Secretary Vince Dizon ang hindi natapos na flood control project, na sumasaklaw sa Barangay Talayan at Barangay Sto. Domingo, bilang “kilalang-kilala” dahil sa halip na kontrolin ang pagbaha, lalo lamang nitong pinalala ang sitwasyon.
Ayon sa disaster risk and management office ng lungsod, ang lugar ay madalas makaranas ng pagbaha na abot-beywang ang lalim, kahit pa umabot lamang sa 2 millimeters ang dami ng ulan.
Ayon kay Dizon, hindi nagampanan ng pumping station ang layunin nito dahil mali ang disenyo nito batay sa master plan.
Bukod dito, nananatiling hindi tapos ang proyekto mula nang kanselahin ang kontrata nito noong nakaraang taon.
Ang kontrata ay ibinigay sa Discaya-owned St. Timothy Construction Corp. at Pilastro Builders and Development Inc., ngunit naimbestigahan dahil sa anomalya sa flood control works.
Sa ngayon, ang unang phase lamang ng proyekto ang natapos, na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P96 milyon.
Upang makahanap ng solusyon, sinabi ni Dizon na kukuha ang DPWH ng rekomendasyon mula sa mga siyentipiko ng Project Noah, na magsasagawa ng simulation upang malaman ang posibleng epekto ng pagbaklas sa istruktura, pagbubukas ng flood barriers, at paggamit ng mobile pumps.
Ang pumping station ay dati nang ininspeksyon ng Independent Commission for Infrastructure at binatikos ni Quezon City Mayor Joy Belmonte bilang isa sa mga problematikong proyekto sa lungsod “dahil itinayo ito mismo sa ibabaw ng creek.” Jocelyn Tabangcura-Domenden