Home NATIONWIDE Suspensyon sa toll fee pasado na sa Kongreso

Suspensyon sa toll fee pasado na sa Kongreso

144
0

MANILA, Philippines – Mabilis na naipasa sa Kongreso ang panukala ni Surigao del Sur Rep. Romeo Momo Sr. na nananawagan sa Toll Regulatory Board (TRB) na suspendihin pansamantala ang paniningil ng ‘toll fees’ sa mga expressway dahil sa masamang epekto ng patuloy na digmaan sa Middle East.

Masayang ibinalita ng mambabatas sa publiko ang mabilis na aksyon ng Kongreso sa ilalim ng liderato ni House Speaker Faustino ‘Bojie’ Dy III, kung saan agarang inaksyunan ang panukala niyang House Resolution 882 matapos niya itong isumite nito lang Lunes, Marso 16.

Ipinunto ni Momo na dahil sa digmaan sa pagitan ng Amerika at Israel laban sa Iran, tiyak na ang pagtataas ng presyo ng langis at kasunod nito ay tataas din ang presyo ng mga bilihin at serbisyo, hindi lang sa bansa kundi sa buong mundo.

Aniya pa, bukod sa suspensyon sa toll fees, dapat ding pag-aralan ng TRB ang dagdag niyang panukala na “bawasan” pansamantala ang singil sa mga dumaraan sa mga expressway upang mabigyan ng kahit kaunting ginhawa ang mga Filipino at ang ekonomiya ng bansa habang patuloy ang giyera sa Middle East.

Karamihan ng mga nagbibiyahe ng pagkain, mga produkto at materyales para sa mga pabrika ay bumabagtas sa mga expressway at dapat aniyang ikonsidera ng TRB ang negatibong epekto ng toll fees sa pagtaas ng presyo ng mga ito pati na ang serbisyo.

Sa pag-aaral ni Momo, ang suspensyon o pagbabawas sa toll fees ay makatutulong upang maibsan ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo na makatutulong upang hindi maging mabagal ang galaw ng ekonomiya.

Samantala, nanawagan din si Momo sa Senado na agad na ring aksyunan ang panukala niyang New Building Act at Department of Water Act na nakabinbin ngayon sa Mataas na Kapulungan.

Paalala ni Momo, ang dalawang panukala ay makatutulong sa bansa upang lutasin ang problema sa ‘substandard’ na mga gusali at pasilidad na naglalagay sa mga Filipino sa panganib at mailayo sa krisis ang bansa katulad ng kakapusan sa tubig. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here