Home HOME BANNER STORY Walang na-stranded sa transport strike – MMDA chief Torre

Walang na-stranded sa transport strike – MMDA chief Torre

141
0

MANILA, Philippines – Sa gitna ng isinagawang nationwide transport strike nitong Huwebes, naglatag ang pamahalaan ng libreng sakay at tiniyak na walang naitalang na-stranded na pasahero, bagama’t naranasan pa rin ng ilang commuter ang hirap at pagkaantala sa biyahe.

Sinabi ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na nanatiling normal ang daloy ng trapiko at wala silang na-monitor na na-stranded na pasahero mula pa alas-5 ng umaga.

Ayon kay MMDA General Manager Nicolas Torre III, iisang grupo lamang ang lumahok sa transport strike kaya hindi kinailangang i-deploy ang emergency vehicles.

“Isang grupo lang naman kasi ang sumali sa transport strike at hindi pa nga natin nadi-deploy ang ating mga emergency dispatch vehicles kasi wala naman tayong nakikita na may mga taong na-stranded,” ani Torre.

Nakahanda rin ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno at lokal na pamahalaan na magbigay ng emergency transport kung kinakailangan, gamit ang iisang dispatch system upang maging maayos ang koordinasyon. Hinihikayat din ang publiko na tumawag sa Metrobase Hotline 136 para sa agarang tulong.

Bilang tugon, nagpatupad ang pamahalaan ng “Libreng Sakay” sa ilang ruta kabilang ang Quiapo hanggang Welcome Rotonda, Welcome Rotonda hanggang Cubao, Nagtahan hanggang Cubao, Taft-UN Avenue hanggang PITX, at Lawton hanggang PITX mula alas-7 ng umaga hanggang alas-8 ng gabi. May libreng sakay din na inilunsad sa Quezon City at Baclaran sa Parañaque.

Isinagawa ang transport strike ng ilang jeepney drivers at operators bilang protesta sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.

Ayon sa PISTON, kung aabot sa P120 kada litro ang diesel, umaabot sa P3,600 ang arawang gastos ng isang jeep na kumokonsumo ng 30 litro.

Iginiit naman ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board na mananatiling suspendido ang fare hike hangga’t wala pang go signal. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here