MANILA, Philippines – Tiniyak ng Department of Agriculture (DA) na mananatiling sapat ang suplay ng pagkain sa bansa hanggang Hunyo o Hulyo sa kabila ng pangamba dulot ng tensyon sa Middle East, at inaasahang mananatiling matatag ang presyo ng mga pangunahing bilihin.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., sapat ang imbentaryo ng bigas, mais, asukal, gulay, at livestock, lalo na’t kasalukuyang nasa rurok ng anihan ng palay at sibuyas, kasabay ng pagtatanim at pag-aani ng gulay sa dry season.
“Definitely, walang issue sa supply. I can safely say hanggang June or even July, walang issue sa supply of almost everything,” ani Tiu Laurel sa isang interview. “So, in general, prices should remain stable at this time.”
Upang mapanatiling abot-kaya ang presyo, palalawakin ng DA ang bentahan ng mas murang “Binhi” rice at Planters Product, Inc. (PPI) rice sa ilalim ng Food Terminal, Inc. Sa kasalukuyan, ibinebenta ang Binhi rice sa ₱48 kada kilo at PPI rice sa ₱45 kada kilo sa 36 pamilihan sa Metro Manila, na balak pang dalhin sa Metro Cebu, Cavite, Bulacan, at iba pang lugar.
“That’s why we have launched the Planters Product, Inc. (PPI) rice and Binhi. It’s being sold now at PHP48 per kilo, the Binhi, while the PPI rice is at PHP45 per kilo in 36 markets in Metro Manila,” dagdag pa ni Tiu Laurel. “It’s just an option for the people, and para makita nila na ito imported din, maganda din, ito lang ang dapat na presyo.”
Gayunman, aminado ang DA na may bahagyang pagtaas sa presyo ng bigas, tinatayang nasa ₱2 kada kilo, dahil sa pagtaas ng gastos sa freight at transportasyon. “Of course, may konting taas na nakikita almost PHP2 per kilo dahil sa freight, transport cost ng lahat tumaas naman, as we all know,” ayon pa sa kalihim.
Sa pinakahuling datos, nasa ₱55 hanggang ₱63 kada kilo ang imported premium rice, habang ang well-milled ay nasa ₱45 hanggang ₱49 at regular-milled ay ₱42 hanggang ₱45. Para sa lokal na bigas, nasa ₱46 hanggang ₱60 ang premium, ₱45 ang well-milled, at ₱40 ang regular-milled kada kilo.
Iginiit din ni Tiu Laurel na hindi dapat lumampas sa ₱45 hanggang ₱50 kada kilo ang imported rice at anumang mas mataas dito ay posibleng pananamantala. “Dapat ang imported nasa PHP45 to PHP50 iyan, anything above that is, tingin ko, is profiteering talaga and taking advantage,” aniya pa.
Samantala, naghain na ang DA ng ulat sa National Price Coordinating Council kaugnay ng panukalang ₱50 price cap sa imported rice, na inaasahang uusad matapos ang Semana Santa. Santi Celario